Daughters of Saint Paul

Hulyo 15, 2017 SABADO sa Ika-14 na Linggo ng Taon / San Buenaventura, Obispo at pantas ng Simbahan

 

Gen 49:29-32; 50:15-26a – Slm 105 – Mt 10:24-33

Mt 10:24-33

Sinabi ni Jesus sa Labindalawa:  “Hindi higit sa kanyang guro ang alagad, o higit sa kanyang amo ang utusan. Hangad lamang ng alagad na tularan ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila.

            “Walang tinatakpan na hindi nabubunyag at walang natatago na hindi nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ihayag n’yo sa liwanag. Ang narinig n’yo nang pabulong, ihayag mula sa bubong.

            “Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang dalawang maya kahit na sa ilang sentimo, wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya.

            “Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.”

PAGNINILAY

Mayaman sa aral ang Ebanghelyong ating narinig.  Pero sa pagninilay natin ngayon, sisikapin nating unawain ang sinabi ng Panginoong Jesus na “Ang narinig ‘nyo nang pabulong, ihayag mula sa bubong.”  Sa unang pandinig parang hinihikayat tayo nitong maging mga tsismoso at tsimosa.  Marahil gustong-gusto din ito ng mga taong mahilig mang-intriga at gumawa ng blind items tungkol sa buhay ng mga artista at pulitiko, o kaya sa buhay ng ating kapitbahay at mga taong hindi natin gusto.  Pinagpipiyestahan nating ikalat ang kanilang kahinaan, at pagtawanan ang kanilang kapalpakan.  Pero ito nga ba ang nais ipakahulugan ng Panginoon?  Ang maging instrumento tayo sa pagsiwalat ng kasinungalingan at kahinaan ng ating kapwa?  Mga kapatid, maling-mali tayo kung ganito ang pag-unawa natin sa sinabi ng Panginoon.  Ang pagsiwalat ng katotohanan ang Kanyang tinutukoy!  Sinasabing may sariling buhay ang katotohanan.  Hindi ito kayang ilibing, itanggi, o itago ng kahit sino.  Kusa itong lalabas at mahahayag sa takdang panahon.  Hindi natin ito matatakasan! Kaya kung may kasalanan man tayong ginagawa ng lihim, maitago man natin ito sa mata ng tao, pero hinding-hindi sa mata ng Diyos.  Wala tayong maitatago sa Kanya!  Nababatid Niya ang ating iniisip at saloobin, at ang kaliit-liitang plano na iniingatan natin sa ating puso – masama man ito o mabuti.  Hingin natin sa Panginoon ang biyayang maging instrumento tayo sa pagsiwalat ng katotohanan para sa ikabubuti ng nakararami.