EBANGHELYO: Mt 9:9-13
Sa paglalakad ni Hesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan s’ya. At habang nasa hapag si Hesus sa bahay ni Mateo, maraming taga-singil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Hesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumaking kasama ng mga makasalanan at maninigil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Hesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit! Sige, matutunan sana ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Lucia Olalia ng Pastorelle Sisters ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Narinig natin sa Mabuting Balita, na tinawag ni Hesus si Mateo, na isang taga singil ng buwis o tax. Noong panahon ni Hesus, itinuturing na makasalanan ang mga taga singil ng tax, dahil nagtatrabaho sila para sa mga Romanong sumasakop sa mga Judio, at pinapatungan nila ito at ang sobra ay para sa kanila. Does this sound familiar? “Corrupt” ang tawag natin ngayon sa mga ganitong tao, na nagpapayaman sa maling paraan. Pero, sa kabila ng pagiging makasalanan ni Mateo, sinabihan siya ni Hesus na “Sumunod ka sa akin.” Tumindig si Mateo at sumunod kay Hesus. Iniwan niya ang kanyang trabaho at kay Hesus, nagkaroon siya ng bagong simula. Maalaala din natin ang babaeng nahuli sa pakikiapid na dinala kay Hesus. Sinabihan ni Hesus ang mga nagdala sa babae ng ganito: “kung sino ang walang kasalanan ang unang pupukol ng bato sa babae”. Isa isa silang umalis… at sinabihan ni Hesus ang babae na hindi Niya ito huhusgahan, humayo at huwag nang magkasalang muli”. Mga kapatid, ang Diyos ay ating Ama. Walang hanggan ang Kanyang Awa at pagpapatawad. Tinatanggap Niya ang taong tunay na nagsisisi at nagbabalik loob, gaano man kalaki ang kasalanan. Huwag tayong matakot lumapit sa Kanya. Mahal Niya tayong lahat, banal man o makasalanan.
PANALANGIN
Panginoong Hesus, tinatanggap po namin nang buong pagpapakumbaba ang aming pagiging makasalanan. Patawarin mo po kami at bigyan ng grasyang aming kailangan upang makasunod sa Inyo tulad ni Mateo. Amen.