Daughters of Saint Paul

HULYO 21, 2019 IKA-16 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (K)

 

EBANGHELYO: LUCAS 10:38-42  

Pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.” Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”

 

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sem. Jean Carl Nathaniel Supan ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa kaguluhan at ka-busyhan ng ating buhay, napakadaling makalimutan ang Panginoon. Nakakalimutan mag-dasal, mangamusta sa Kanya, o kaya’y mag-simba. Hindi ko pinagkakait na ako’y madalas na mapunta sa ganitong pag-uugali. Pagkatapos kasi ng isang mahabang araw sa eskwelahan o kaya kapag napapagod na ng todo sa mga serbisyo sa mga aking kinakasalihang grupo, mapapaisip ako na “ah, mamaya na lang ako mag-dadasal”. Sasabihin ko sa sarili ko na mamaya nang paulit-ulit hanggang pagdating sa kama ko, nakalimutan ko nang mag-dasal. Kahit nga kapag wala akong masyadong ginagawa, ipinapagmamaya ko pa rin ang pagdarasal. Totoo naman, mahirap kausapin at pakinggan ang Panginoon ng taimtim kapag tayo’y pagod na pagod, maraming iniisip at inaalala. Mahirap magdasal kapag ang puso at isip mo’y nasa ibang mga bagay. Sa Ebanghelyo ngayong araw,  pinapaalalahanan tayo ng ating Panginoon tungkol sa mga bagay na mas mahalaga: ang pagdarasal at pakikinig sa Kanya. Oo, mahalaga ang mga bagay na ating pinagkakaabalahan. Mahalaga ang ating mga trabaho. Mahalaga ang ating mga responsibilidad. Pero, sana’y ‘wag natin kalimutan na maglaan pa rin ng oras para magdasal at makinig sa Kanyang salita. Binigyan Niya tayo ng napakahabang panahon at oras para sa ating buhay. Hindi naman siguro napakalaking bagay ang isang oras para mag-simba, ilang minuto para magdasal, at ilang sandali para makinig sa Kanya. Mga kapatid, sa linggong ito, nakapagbigay ba tayo ng ilang sandali para sa Panginoon? O, paano tayo makakapagbigay ng oras sa Panginoon?