Daughters of Saint Paul

HULYO 22, 2019 LUNES SA IKA-16 NA LINGGO NG TAON Santa Maria Magdalena

 

EBANGHELYO: JUAN 20:1-2, 11-18

Sa unang araw ng sanlinggo, maagang nagpunta sa libingan si Maria Magdalena, habang madilim pa. Nang Makita niyang tinanggal ang bato mula sa libingan, patakbong pumunta si Maria Magdalena kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi naming alam kung saan nila siya inilagay.” Nanatili sa labas ng libingan si Maria na tumatangis. Habang tumatangis siya, yumukod siyang nakatanaw sa libingan. At may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, nasa may ulunan ang isa at ang ikalawa nama'y nasa may paanan ng kinalagakan ng bangkay ni Jesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Bakit ka tumatangis?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagak.” Pagkasabi niya ng mga ito, tumalikod siya at nakita niya si Jesus na nakatayo. Ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Bakit ka tumatangis? Sinong hinahanap mo” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n'yo sa akin kung saan n'yo siya inilagay, at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maria!” Pagkaharap niya ay winika niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni” (na ang ibig sabihin ay Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag mo akong pigilin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa aking Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: 'Paakyat ako sa Ama ko at sa Ama n'yo, sa Diyos ko at Diyos n'yo.'” Pumunta si Maria Magdalena, na nagbalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon. At ito ang sinabi niya sa akin.”   

 

PAGNINILAY:

Mga kapatid, narinig natin sa Ebanghelyo na sa gitna ng pagtangis ni Maria Magdalena, di niya kaagad nakilala na si Jesus na pala ang kanyang kaharap.  Siguro, nararanasan din natin ito sa ating buhay.  Kapag tayo’y nakaranas ng isang krus, tulad halimbawa ng pagkamatay ng isang mahal natin sa buhay, o mawalan ng trabaho, o maaksidente – pakiramdam natin, para tayong sinukluban ng langit at lupa.  Di natin nakikitang nasa atin pala si Jesus. Napadadala na tayo sa ating emosyon, hindi natin napapansin kung paano nagbibigay si Jesus ng mga taong nakikiramay sa atin.  Kaya huwag nating kalilimutang magdasal, dahil sa pagdarasal pinupuspos tayo ng biyaya ng Diyos kung paanong maramdaman at makilala ang Kanyang presensya sa mga taong dumadamay at tumtulong sa atin.  Manalangin tayo.  Panginoon, sa tulong panalangin ni Santa Maria Magdalena, hinihiling ko pong baguhin Ninyo ang aking pagkatao nang mamuhay akong kalugod-lugod Sa’yo. Amen.