EBANGHELYO: Jn 20:1-2, 11-18
Sa unang araw ng san Linggo maagang nagpunta sa libingan si Maria Magdalena habang madilim pa. Nang makita niya ang tinanggal na bato mula sa libingan, patakbong pumunta si Maria Magdalena kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Hesus. Sinabi niya sa kanila “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay. Nanatili sa labas ng libingan si Maria na tumatangis. Habang tumatangis siya, yumukod siyang nakatanaw sa libingan. At may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, nasa may ulunan ang isa at ang ikalawa nama’y nasa may paanan ng kinalagakan ng bangkay ni Hesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka tumatangis?” “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagak.” Pagkasabi niya ng mga ito, tumalikod siya at nakita niya si Hesus na nakatayo. Ngunit hindi niya nakilalang si Hesus iyon. Sinabi sa kanya ni Hesus: “Ale, bakit ka tumatangis? Sinong hinahanap mo” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay, at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Maria!” Pagkaharap niya ay winika niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni” (na ang ibig sabihin ay Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag mo na akong pigilin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa aking Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila na: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama n’yo, sa Diyos ko at Diyos n’yo.’” Pumunta si Maria Magdalena, na nagbalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon. At ito ang sinabi niya sa akin.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Robert Lauigan ng Association of Pauline Cooperators – Tuguegarao ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang libingan ay nagpapahiwatig din ng kadiliman, lungkot, at pag-aalinlangan sa tunay na buhay na nasusumpungan ko din tulad ni Maria Magdalena. Ang pagluha at pagkabahala dahil ang isang minamahal ay pumanaw na, pero si Hesus ang nagpapahiwatig ng pag-asa. Sa aking pagbisita, pagdasal at pagmumuni-muni sa mga libingan ng mga yumao, nagpapahiwatig ito sa akin na ang buhay ay totoo at ang kamatayan ay sigurado. Kaya ang pagdarasal, at pakikinig sa Diyos at sa Kanyang salita ay nagsisilbing gabay upang makapamuhay nang naaayon sa Kanyang kalooban, at magpatotoo kay Hesus na ating dakilang GURO. Bilang tatay, na unang guro sa pamilya – ang pagturo sa mga bata habang maaga ay napakahalaga. Kailangang mahubog sila sa tamang Pomasyon, Impormasyon, at transpormasyon sa tulong ng Diyos. Amen.