Daughters of Saint Paul

HULYO 24, 2019 MIYERKULES SA IKA-16 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MATEO 13:1-9  

Umalis sa bahay si Jesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit maraming tao ang nagtipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. At marami siyang ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. At sinabi ni Jesus: "Lumabas na ang maghahasik para maghasik. "Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. "Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga!"

 

PAGNINILAY:

Sa ebanghelyo ngayon, sagana sa buto ang maghahasik kaya isinabog niya ang buto sa lahat ng uri ng lupa.  Ang buto na tinutukoy sa talinhaga ay ang Salita ng Diyos, at ang lupa naman ang kalooban natin.  Pansinin natin araw-araw…  Kung gugustuhin talaga nating lumago sa pagsabuhay ng Salita ng Diyos, maraming paraan para makapakinig, makapanood o makabasa tayo ng paliwanag ng Salita ng Diyos. Hindi lang sa pamamagitan ng programang ito, kundi tuwing tayo’y nagsisimba, at sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Salita ng Diyos sa radyo, telebisyon, internet at pahayagan. At kung meron tayong Bible Diary o Daily Scripture Reading Guide, maaari din tayong magbasa ng Salita ng Diyos sa nakatakdang araw. Tunay na wala tayong dahilan para hindi makapakinig o makabasa ng Salita ng Diyos.  Napakaraming paraan kung gugustuhin natin.  Ang tanong?  Naglalaan ba tayo ng panahon para sa Salita ng Diyos?  Mga kapatid, ang Salita ng Diyos ang humuhubog sa ating pananampalataya at sa ating mga pinahahalagahan bilang Kristiyano. Nagpapalakas ito sa ating kalooban sa lahat ng paghamon na nakakaharap natin. Ito rin nagsisilbing gabay natin para mamuhay sa kabutihang asal, bilang Kristiyano.  Kaya’t kung isasawalang-bahala natin ang Salita ng Diyos, ano pa ang magiging batayan natin para sundin ang kalooban ng ating Panginoon?  At kung tayong mga nakatatanda walang pagpapahalaga at pagmamahal sa Salita ng Diyos, paano natin mahikayat ang mga bata na pahalagahan at mahalin din ang Salita ng Diyos?