Daughters of Saint Paul

HULYO 25, 2019 HUWEBES SA IKA-16 NA LINGGO NG TAON Kapistahan ni Santiago, Apostol

 

EBANGHELYO: MATEO 20:20-28

Lumapit kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ang dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.” Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi n’yo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom n’yo ba ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para iyon sa mga hinirang ng Ama.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam n’yo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pagtubos sa marami.”

 

PAGNINILAY:

Isinulat ni Cleric Ronel Soriano ng Society of St. Paul ang pagninilay ngayon.  Ang ebanghelyong narinig natin, patungkol sa mga alagad na sina Santiago at Juan, at kung paano sila nababahala tungkol sa pag-upo sa pinakamahalagang lugar.  Ikaw kapatid, saan sa tingin mo ang mga pinakamahalagang upuan sa harap ng altar ng simbahan? Sa kanan? Sa kaliwa? Sa gitna? Ang lahat naman, magandang upuan. Ang ating mga pari, nagdadasal at nagtuturo mula kanilang inuupuan; at maganda na mayroon silang komportableng mga upuan. Pero hindi ibig sabihin nito na mas mahalaga sila kaysa sa iba. Gayunpaman, sa narinig nating Ebanghelyo, nabahala si Santiago at Juan kung saan sila uupo – sa kanan ba o sa kaliwa ni Hesus. At dahil dyan, tinuruan sila ni Jesus tungkol sa tunay na kadakilaan. Sinabi ni Jesus, na ang isang tunay na naglilingkod, hindi nag-aalala tungkol sa mahalaga; bagkus, higit na nagmamalasakit sa pagtulong sa iba, lalo na sa mga nangangailangan. Mga kapatid, kagaya ni Hesus, isa siyang abang lingkod sa lahat. Lagi natin alalahanin na ibinigay ni Hesus ang kanyang buhay para sa ating lahat.  Siya nawa ang maging huwaran natin sa paglilingkod ng tapat at may kababaang loob.  Santiago, apostol, ipanalangin mo kami.