EBANGHELYO: MATEO 13:24-30
Binigyan ni Jesus ng isa pang talinhaga. “Naihahambing ang kaharian ng Langit sa isang taong naghasik ng mabuting buto sa kanyang taniman. At samantalang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway. Hinasikan nito ng masasamang damo ang taniman ng trigo at saka umalis. Nang tumubo ang mga tanim at nagsimulang mamunga ng butil, naglitawan din ang masasamang damo. Kaya lumapit sa may-ari ang mga katulong at sinabi: ‘Ginoo, di ba’t mabubuting buto ang inihasik mo sa iyong bukid, saan galing ang mga damo?’ Sinagot niya sila: ‘Gawa ito ng kaaway.’ At tinanong naman nila siya: ‘Gusto mo bang bunutin namin ang mga damo?’ Sinabi niya sa kanila: ‘Huwag, at baka sa pagbunot ninyo sa mga damo mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa mga mag-aani: Bunutin muna ninyo ang mga damo, at bigkisin para sunugin; at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig.”
PAGNINILAY:
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Cleric Ronel Soriano ng Society of St. Paul. Sa ebanghelyong narinig natin, bumalik si Hesus sa gitna ng maraming tao at nagtuturo siyang muli ng mga talinhaga. Muli siyang gumamit ng mga larawan mula sa agrikultura para agad nilang maintindihan ang sinasabi nito. Pero nakakalungkot, na ang kaugnayan nito sa Kaharian, kanilang nakaligtaan. Mga kapatid, ang talinhagang binanggit ni Hesus, nagpapakita ng gawain ng isang kaaway. Ang gawain ni Jesus, ang mga alagad ni Jesus, at ang Kaharian ni Hesus, umiiral sa isang daigdig na hinasikan ng masamang gawain ng kaaway. Si Hesus, makapangyarihan at hindi niya pahihintulutan na makagawa tayo ng masama. Pero ang layunin ni satanas, ang tagapagtaguyod ng kasamaan; sirain, madumihan, at maging mahina ang gawain ni Hesus. Dahil gusto niyang guluhin ang buhay pagsaksi ng mga disipulo ni Kristo. Samakatuwid, ginagamit lamang ni Satanas ang takip ng kadiliman upang gawin ang kanyang mga masasamang gawa. Tandaan natin na hindi iniwan ni Jesus ang kanyang mga unang disipulo, ni tayo sa buhay natin ngayon. Mula pa sa simula, pinaalalahanan Niya tayo na maging matatag sa gitna ng mga pagsubok at pag-uusig na kakaharapin natin sa pagsunod sa Kanya. Dahil ang Espiritu Santo mismo ang tutulong at magtatanggol sa atin. Manalangin tayo. Panginoon, dagdagan Mo po ang aking pananampalataya. Patatagin Mo po ako sa harap ng tukso, panghihina at pagkalito. Puspusin Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang lagi akong manindigan sa kung ano ang tama, mabuti, at kalugod-lugod Sa’yo. Amen.
