Daughters of Saint Paul

HULYO 28, 2019 IKA-17 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

 

EBANGHELYO: LUCAS 11:1-13  

Isang araw, nananalangin si Jesus sa isang lugar at pagkatapos niya’y sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung papanong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Kung mananalangin kayo, sabihin niyo: “Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangang-kailangan namin, patawarin mo kami sa aming mga sala; tingnan mo’t pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.” Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ipalagay nating may kaibigan ang isa sa inyo at pinuntahan mo siya sa hatinggabi at sinabi: ‘Kaibigan, pahiram nga ng tatlong pirasong tinapay dahil kararating lang mula sa biyahe ng isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kanya.’ At sasagutin ka siguro ng nasa loob: ‘Huwag mo na akong gambalain. Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng mga bata; hindi na ako maaaring tumayo para bigyan ka.’ Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man siya bumangon para magbigay dahil sa pakikipagkaibigan, babangon pa rin siya at ibibigay sa iyo ang lahat mong kailangan dahil sa iyong pagpupumilit sa kanya. Kaya sinasabi ko sa inyo: humingi at kayo’y bibigyan, maghanap at matatagpuan ninyo, kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo and naghahanap at pinagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang amang magbibigay ng ahas sa kanyang anak kung isda at hindi ahas ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng alakdan kung itlog ang hinihingi? Kaya kung kayo mang masasama’y marunong magbigay ng mabuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama mula sa Langit? Tiyak na ibibigay niya ang banal na Espiritu sa mga hihingi sa kanya.” 

 

PAGNINILAY:

Mga kapatid, marami tayong hinihingi sa Panginoon sa panalangin.  May humihiling ng kagalingan sa kanilang karamdaman. May humihingi ng trabaho at hanap-buhay.  May humihingi ng liwanag sa kanilang kalituhan.  May humihingi ng lakas sa gitna ng panghihinang nararanasan.  Sa ebanghelyo, itinuturo ang unang dapat nating hilingin, ang presensya ng Banal na Espiritu.  Siya ang kalakasan natin sa mga oras ng kahinaan.  Siya ang kaibigan natin sa gitna ng matinding kalungkutan. Siya ang liwanag natin sa gitna ng kadiliman. Siya ang nagtuturo ng katotohanang ipinapahayag ni Jesus.  Kung nasa atin ang Banal na Espiritu, wala nang kulang pa. Sinabi nga ni Santa Teresa ng Avila, “Sapat na ang Presensya ng Diyos.”