Daughters of Saint Paul

HULYO 29, 2019 LUNES SA IKA-17 NA LINGGO NG TAON Paggunita kay Santa Marta

 

EBANGHELYO: LUCAS 10:38-42

Pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.” Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Cleric Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Patintero, ice-ice water, langit-lupa, ilan lamang ito sa mga masasayang larong pang-kalye na aking nilalaro noong bata pa ako. Ang bawat laro, may kanya-kanyang “rules”, pero may isang rule na maaring gamitin sa lahat, anumang laro ito – “taympers” o (time-first). Ibig sabihin, itigil muna ang laro. Maraming pwedeng dahilan kapag may sumigaw na ng taympers. Kailangan ng umuwi dahil galit na si nanay, mayroong nadapa o nasugatan, at madalas dahil sa sobrang hapo at uhaw kakatawa at kakatakbo, kaya sumisigaw ng taympers!  Mga kapatid, sa ating ebanghelyo narinig natin ang kwento ni Marta at Maria. Sila’y magkapatid na mula sa Betania, isang maliit na bayan, dalawang kilometro ang layo mula sa Herusalem. Ang bahay nila sa betania, bahay na tinutuluyan ni Hesus kapag gusto niya ng pahinga. Kaya’t dapat nating maintindihan ang pagkabalisa ni Marta, kailangang pagsilbihan niyang maigi ang kanilang natatanging panauhin, walang iba kundi si Hesus. Pero, mas pinili ni Maria ang makinig kay Hesus, at ito’y di kailanman maaring maalis kay Maria. Sa araw-araw nating buhay, marahil may pagka-Marta din tayo, laging nagmamadali. Pinapaalalahanan tayo ni Hesus, na huminahon-taympers muna! Kung tunay tayong nakikinig sa Diyos tutulungan niya tayong intindihin ang bawat tagpo at pangyayari sa ating buhay. Maaaring namumuhay tayo tulad ni Marta, wag nawa nating kalimutang mamuhay ding tulad ni Maria. Ang taong madalas na magnilay, malapit sa buhay-kabanalan. Dahil, sa kapayapaan ng ating mga puso-naroon si Hesus handa laging magsalita, magbigay inspirasyon at lakas upang muling harapin ang mga bukas ng ating buhay sa tila bang napakabilis na pag-iral ng panahon. Paminsan-minsan, wag nawa tayong matakot na sumigaw ng Taympers!