Daughters of Saint Paul

HULYO 30, 2019 MARTES SA IKA-17 NA LINGGO NG TAON

 

EBANGHELYO: MATEO 13:36-43

Pinaalis ni Jesus ang mga tao at saka pumasok sa bahay. Lumapit noon sa kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong: “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga ng mga trigo sa bukid.” Sumagot si Jesus: “Ang nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. Ang bukid naman, ang daigdig; ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang mga tauhan ng demonyo. Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo; ang pag-aani ay ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ang mga anghel. Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Ipadadala ng anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang Kaharian ang mga iskandalo at ang mga gumagawa ng masama. At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. At pagkatapos nito, magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may tainga!”

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Cleric Vinz Aurellano ng Society of St. Paul. Galing sa pamilya ng mga magsasaka ang aking Ama. Labing-isa silang magkakapatid, at lahat, nakapag-aral sa pagsusumikap nilang magkakapatid, kasama ang aking lolo at lola sa palayan. Minsan niyang naikwento, na nakakakain lamang sila ng karne tuwing panahon ng anihan.  Mahalaga sa buhay ng isang magsasaka ang panahon ng Anihan. Ito’y isang panahon na kanilang pinanananabikan. Mababayaran na ang utang, sa wakas makakakain na ng masarap! Isang panahon na mararanasan nilang muli ang kasaganaan at kagalakan-mga bagay na maituturing na grasya mula sa Diyos. Pero, ano ba ang kahulugan ng “pag-aani” para kay Hesus? Ang Ebanghelyo natin ngayong araw, nagpapaliwanag ng kahulugan ng talinhaga ukol sa damo at trigo. Ang anihan sa mga mata ni Hesus, isang pangwakas na tagpo. Panahon kung saan malalaman natin kung tayo ba’y trigo o damo. Mga kapatid, ang hamon sa atin ngayon ni Hesus, ang maging trigo. Paano? Kailangang magbunga ang salita ng Diyos na ating naririnig at binabasa. Ika nga, Kristiyano di lamang sa nguso kundi sa puso. Isang panahon na lubos na pinananabikan ni Hesus. Maraming makasalanan ang hihingi ng tawad, at sila nama’y patatawarin. Lahat ng mga ‘di pagkakaunawaan, magkakamit ng kapayapaan. Lahat ng ‘di pagkakaintindihan, masusumpungan ang katotohanan. Ang grasya, awa at pag-ibig ng Diyos, tuluyang mag-uumapaw. Magkakaroon ng katarungan at kapayapaan. Hahalikan ng langit ang lupa. Sikapin nawa nating mamunga, maging trigo. Paghandaan natin ang panahon ng pag-aani ng Diyos. Harinawa tayo’y mabitbit niya sa pangakong buhay natin sa kabila, kapiling niya magpakailanman. Amen