Daughters of Saint Paul

HULYO 4, 2021 – IKA -14 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: Mk 6:1-6  

Pumunta si Hesus sa kanyang bayan, kasama ang kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: ”Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunungang ito na ipinagkaloob sa kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng kanya mga kamay? Hindi ba’t siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at kapatid nina Jaime, Jose, Simon at Judas? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Hesus: ”Sa kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At wala siyang ginawang himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling niya sa pagpapatong ng kamay. At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Anthony Capirayan ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Hindi ba’t nakapagtataka? Alam naman ni Hesus na sa kanyang pag-uwi sa sariling niyang bayan ay hindi siya tatanggapin ng mga tao. Si Hesus na mismo ang nagsabi, “Ang propeta’y iginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Ngayon, bakit pa siya bumalik sa kanyang nayon sa Nazaret at nangaral pa sa sinagoga gayong alam naman niya na hindi siya igagalang ng marami?  Ito po ang misteryo ng pagmamahal ng Diyos sa atin. Walang anumang pagtatanggi ang makapipigil sa kanya sa pagpasok, hindi lang sa ating bayan, kundi mismo sa ating mga puso. Walang anumang pagwawaksi ang makapagpapadala sa kanya sa panunuyo sa atin. Walang-tigil at walang-humpay niyang hahangarin na tayo’y mapasakanya. Kaya kahit hindi tinanggap si Hesus sa sariling niyang bayan ay minarapat pa rin niyang pagalingin ang mga maysakit. Dahil ang puso ni Hesus, kailanman ay hindi napapagod. Dahil ang pusong totoong nagmamahal ay hindi napapagal.  Idalangin natin sa Diyos na bigyan tayo ng pusong-bukas nang sa gayo’y makapasok siya nang tuloyan sa ating buhay. Amen.