Daughters of Saint Paul

HULYO 5, 2021 – LUNES SA IKA -14 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 9:18-26

Lumapit kay Hesus ang isang pangulo ng sinagoga at paluhod na sinabi: “Kamamatay nga lamang ng aking anak na babae, pero halika’t ipatong ang iyong mga kamay at siya’y mabubuhay.” Kaya tumayo si Hesus at sumama sa kanya, pati na ang kanyang mga alagad. Nilapitan naman siya mula sa likuran ng isang babaeng labindalawang taon nang dinudugo, at hinipo nito ang laylayan ng damit ni Hesus. Sapagkat naisip niyang “Kung mahihipo ko lamang ang laylayan ng kanyang damit, gagaling na ako.” Lumingon naman si Hesus, nakita niya siya at sinabi: “Lakasan mo ang iyong loob, anak ko, pinagaling ka ng iyong pananalig.” At gumaling ang babae sa sandaling iyon. Pagdating ni Hesus sa bahay ng pangulo, nakita niya ang mga tumutugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. At sinabi niya: “Umalis kayo! Hindi patay ang dalagita kundi tulog.” Pinagtawanan nila siya. Ngunit pagkaalis ng mga tao, pumasok siya, hinawakan ang bata sa kamay at bumangon ito. Lumaganap ang balitang ito sa buong lupaing iyon.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kawalan ng pag-asa ang matinding hamong dulot sa atin ng pandemya.  Pag-asang unti-unting naglalaho dahil sa takot at pangamba:  marami ang nawalan ng trabaho, nagsara ang mga negosyo; marami ang nag-aalala kung saan kukunin ang pambayad sa tubig, kuryente, renta, pang-grocery, pambili ng gamot, at iba pa. Marami ang natatakot magkasakit; marami ang nangangambang magpabakuna, dahil takot sa side effects. Nag-uumapaw na ang mga ospital, pagod na ang mga medical frontliners. Marami nang namatay na hindi man lang nasilayan ng mahal sa buhay, dahil aga-agad itong sinusunog. Ito ang nakapanlulumong sitwasyon natin ngayon…  Kaya ang tanong ng marami sa atin, hanggang kailan ang pandemyang ito? Bakit hindi dinirinig ng Diyos ang ating panalangin? Mga kapatid, manalig tayo sa sinabi ng Panginoong Hesus sa ebanghelyo:  “Anak, lakasan mo ang iyong loob!”  Maraming bagay man ang hindi natin maunawaan, patuloy ang paanyaya ni Hesus na magtiwala sa Kanyang kagandahang-loob. Wala ngang panalanging hindi niya pinakikinggan, katulad ng ginawa niya sa babae at dalagita sa ebanghelyo ngayon.//

PANALANGIN

Panginoong Hesus, batid mo po ang hirap na aming pinagdaraanan ngayon dulot ng pandemya. Nananalig po kaming kasama ka namin, at higit kang makapangyarihan sa laban na ito. Patuloy na kumikilos ang inyong mapagpalang kamay upang bigyang pag-asa at buhay ang anumang patay na sitwayon na aming kinalalagyan. Kasama Kayo, kakayanin po namin ang lahat nang ito. Amen.