Daughters of Saint Paul

HULYO 6, 2021 – MARTES SA IKA -14 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 9:32-38

May nagdala kay Hesus ng isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. Nang mapalayas niya ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha ang mga tao at kanilang sinabi: “Wala pang nangyaring ganito sa Israel.” Ngunit sinabi naman ng mga Pariseo: “Nagpalayas siya ng demonyo sa tulong ng pinuno ng demonyo.” At nilibot ni Hesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa Panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Siony Japzon Ramos ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo.  Naranasan mo na bang lumakad na hindi alam ang daan sa iyong pupuntahan? Palinga-linga ka at naghahanap ng taong makakatulong sa iyo. Narinig natin sa ebanghelyo, “Nang makita ni Hesus ang makapal na tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila’y nahahapis at nanlulupaypay na waring mga tupa na walang pastol”. Mga kapatid, maraming tao ang inaalihan ng demonyo, ligalig ang puso, katawan at isipan… Kung ikaw si Hesus sa ating kapanahunan, hindi ka rin ba magdadalang habag sa iyong nakita? Sa panahong ngayon ng pandemya, naihahambing ko na tayo’y tulad din nila. Halos magdadawang taon na ang pandemya, pero magpahanggang ngayon, hindi pa rin natin maaninag kung kelan matatapos ito. Maraming ginagawa ang pamahalaan para matugunan ito – bakuna at iba’t ibang health protocols. Ang simbahan natin ay hindi rin nagpapabayang makatulong sa anumang pamamaraan upang tungunan ang pangangailangang pisikal, at higit sa lahat espiritwal na siyang nagpapatatag sa atin. In fact, Pope Francis leads all Christians into prayer of repentance and various prayers of supplications to end this pandemic crisis. Hindi tayo pinababayaan ng Diyos, kasama natin siya sa bawat sandali ng ating buhay. Mga kapatid, buksan natin ang ating mga puso at isipan sa paggabay ng Banal na Espiritu Santo para makapagbahagi sa iba. Tumulong tayong ipalaganap ang kaharian ng Diyos hindi lamang sa salita, kundi higit sa ating gawa.  

PANALANGIN

Panginoon Hesus buksan Mo po ang aming mga mata at tulungan kaming makita ang anuman kabutihang taglay ng bawat tao. Punuin nyo po ang aming puso ng iyong mapagkalingang pagmamahal upang maibahagi ito sa aming kapwa. Amen.