Daughters of Saint Paul

HULYO 9, 2021 – BIYERNES SA IKA -14 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 10:16-23

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Isinusugo ko kayo ngayon na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng mga ahas at walang-malay ng parang mga kalapati. Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag iniharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan n’yo. Ipapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang ninyong matatag hanggang wakas doon kayo maliligtas. Kung uusigin kayo sa isang bayan, tumakas kayo at pumunta sa kabilang bayan. Sinasabi ko sa inyo, bago ninyo matapos daanan ang lahat ng bayan sa Israel, darating na ang Anak ng Tao.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Lucia Olalia ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sinugo ni Hesus ang mga apostol at sinabihan na pwede silang usigin dahil sa Kanya at makararanas sila ng ibat-iba pang pagsubok. Pinaalalahanan din sila  na huwag  mabalisa kung ano  at paano nila ipagtatanggol ang kanilang sarili, dahil ibibigay  Niya  ito sa kanila, sa oras ng pangangailangan.// Matibay ang aking tiwala na ang ating Panginoon ay tapat sa Kanyang mga pangako.// Noong 2001, na destino ako sa South Korea bilang misyonera. Masasabi ko na dalawa (2) lang ang aking “baon” nuon. Una, ang pananampalataya na ang Diyos ang nagsugo sa akin/ at ang ikalawa, ay ang lakas ng loob dahil kasama ko Siya. Mahirap/ lalo na sa simula, dahil hindi ko alam ang kanilang salita at kultura. Sa loob ng halos Labing siyam (19) na taon maraming pagsubok ang naranasan ko, lalo na sa pagtulong sa paghanap ng kalutasan sa problema ng ibang mga OFW’s. Sa lahat ng mga ito, ang Diyos ang palaging kasama-sama ko. Tunay nga na  ipinagkaloob ng Diyos ang grasyang kailangan ko sa tamang paraan at oras.// 

PANALANGIN

Maraming Salamat Panginoon sa biyaya na Iyong ipinagkaloob, ipinagkakaloob at patuloy na ipagkakaloob  sa tamang panahon. Turuan mo kaming manalig ng lubusan sa Iyong mga pangako.  Amen.