Daughters of Saint Paul

Hunyo 03, 2017 SABADO Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pakabuhay / San Carlos Lwanga at mga Kasama, mga martir

 

Gawa 28:16-20, 30-31 – Slm 11 – Jn 21:20-25

Jn 21:20-25

Paglingon ni Pedro, nakita niya na sumusunod ang alagad na mahal ni Jesus, ang humilig sa dibdib niya noong hapunan at nagtanong:  “Panginoon, sino ba ang magkakanulo sa iyo?”  Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi niya kay Jesus:  “Panginoon, ano naman ang mangyayari sa kanya?”  Sinabi ni Jesus:  “Kung loobin ko siyang manatili hanggang ako’y pumarito, anong pakialam mo? Sumunod ka sa akin!”

            Dahil dito’y may lumalaganap na paniwala sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito pero hindi naman sinabi ni Jesus:  “Hindi mamamatay”  kundi  “kung loobin ko siyang manatili hanggang sa aking pagdating.”

             Ito ang alagad na nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at sumulat ng mga ito.  Alam namin na totoo ang kanyang pagpapatunay. Marami pang ibang ginawa si Jesus, na kung masusulat ang mga iyon nang isa-isa, sa tantiya ko’y di magkakasya sa mundo ang mga isusulat na mga aklat.

PAGNINILAY

Mga kapatid, may mga Kristiyanong naniniwala na magpahanggang ngayon, hindi pa rin namamatay si Juan.  Ang katibayan nila, ang sinabi ng Panginoon sa Ebanghelyo na “Kung loloobin ko siyang manatili hanggang ako’y pumarito, anong pakialam mo?  Kung sensitibong tao ang makaririnig nito, tiyak na dadamdamin niya ang mapagsabihang, anong pakialam mo?  Pero kung titingnan nating maigi ang bahaging ito ng Ebanghelyo, iba ang mensahe nito:  Huwag kang maiinggit sa iba.  May plano sa iyo ang Diyos.  Ilan ba sa atin ang alipin din ng pagka-inggit?  Sa halip na matuwa at magpasalamat sa Diyos sa napakaraming biyaya at pagpapalang nasa sa atin na,  mas nakatuon tayo sa kung anong meron ang iba na wala tayo.  Hindi kailanman magiging masaya ang taong mainggitin!  Dahil sa ugali niyang laging ikinukumpara ang sarili sa iba, hindi niya nakikita na marami din siyang angking kakayahan at kagandahan na wala ang iba.  Sabi nga ng tulang Disederata, Kapag inihambing mo ang iyong sarili sa iba, maaari kang maging hungkag o may kapaitan, dahil ang totoo, palaging magkakaroon ng mga nakalalamang at mas mababang mga tao kaysa sa iyo.  Kaya sa halip na mainggit, maging masaya at mapagpasalamat tayo sa mga biyayang tinanggap na natin sa Panginoong Diyos, at matuto rin tayong makisaya at kilalanin ang angking kakayahan ng iba.  Nang sa gayon, makakamit natin ang kagalakan ng isang taong kuntento at may pagmamahal at pagpapahalaga sa sarili.  Wala nang dahilan para mainggit sa iba.  Dahil nakita mo na sa’yong sarili kung gaano ka rin pinagpala at minahal ng Diyos.  Isa ito sa mga susi ng tunay na kaligayahan – ang matanto sa ating sarili na tayo’y mahalaga at pinagpala.  Sa kabila ng ating kahinaan, pinagkalooban tayo ng Diyos ng mabubuting bagay dito sa mundo.  At wala ng biyayang hihigit pa sa handog Niyang kaligtasan.