Daughters of Saint Paul

HUNYO 11, 2020 – HUWEBES SA IKA-10 LINGGO NG TAON | Paggunita kay San Barnabas, Apostol at martir

EBANGHELYO: Mt 10:7-13

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo.  Ibigay ninyo ng walang bayad ang tinanggap ninyo ng walang bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod, sapagkat nararapat ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay. Pagdating ninyo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at makituloy sa kanya hanggang sa inyong pag-alis. Pagpasok ninyo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal ninyo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.   Sa Ebanghelyong narinig natin, ang unang pumasok sa isip ko ay ang aming “summer mission”. Bahagi ng formation namin bilang isang Daughters of St. Paul,  ang summer mission. Nagbabahay-bahay kami at nagdadala ng mga aklat, dasalan at children’s books sa mga pamilya. Merong tumatanggap, meron ding hindi kami pinapapasok sa kanilang bahay. Sabi sa pagbasa, kung karapat-dapat ang sambahayan sa kapayapaang dinasal, matatamo nila ang kapayapaan, kung hindi naman ay babalik sa iyo ang iyong dasal. Ipinapahiwatig sa atin nito, na ang pagiging bukas ng puso ng tao, ang magiging daan ng biyaya ng Diyos. Kung baga sa paghahalintulad sa isang baso, kung puno na ito ng tubig, hindi mo na ito malalagyan pa. Kaya panawagan ito, to empty our hearts of hatred, of pride, of selfishness upang ang biyaya ng Diyos ay makapasok sa ating mga puso.  Maging gawi nawa natin, ang kausapin si Jesus araw-araw sa ating panalangin. Tanging Siya lamang ang makapagbibigay ng biyayang ating kailangan sa buhay.  Si Jesus ang bukal ng buhay, pag-asa at pangarap. Sa Banal na kasulatan, gagabayan tayo sa tamang landas. Sa Banal na kasulatan mabibigyang liwanag ang mga bagay na hindi natin maunawaan. Asahan nyo ang aming panalangin mga kapanalig. Harinawa, patuloy tayong pagpalain ng Panginoon. Amen, Amen.