Daughters of Saint Paul

HUNYO 12, 2020 – BIYERNES SA IKA-10 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 5:27-32

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Narinig na ninyo na sinabing: ‘Huwag kang makiapid.’ Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: ang sinumang tumingin nang may pag nanasa sa isang babae ay nakiapid na rin sa kanyang puso. Kaya kung ang iyong kanang mata ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, alisin mo ito at itapon! Makabubuti pa sa iyo na mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. Kung ang kanang kamay mo naman ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito at itapon! Mas makabubuti sa iyo ang mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. “Sinabi rin namang: ‘Kung may makikipagdiborsyo sa kanyang maybahay, bigyan niya ito ng katibayan.’ Ngunit sinasabi ko sa iyo: kung may magpapaalis sa kanyang maybahay sa ibang dahilan maliban sa kawalang-katapatan, pinapakiapid niya ito. At nakikiapid rin ang nagpapakasal sa babaeng diborsyada.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Cleric Sebastian Gadia III ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ang pagkakaroon ng mataas na lagnat, walang tigil na pag-ubo, at hirap sa paghinga ang ilang sintomas ng Covid-19. Kaya naman, ang marapat gamutin, hindi ang sintomas, kundi ang virus na sanhi nito. Ganun din sa ating buhay espiritwal! Ang mga kasalanang paulit-ulit nating ginagawa ay sintomas ng maruming kalooban, na nananahan sa ating puso’t isipan. Kaya sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo na “Ang sinumang tumingin nang may pagnanasa sa isang babae ay nakikiapid na rin sa kanyang puso.”  Mga kapatid, bilang tao, biniyayaan tayo ng Diyos ng kalayaan at kakayahang tukuyin ang tama at mali.  Kaya gamitin natin ang ating kalayaan at kakayahan ayon sa kalooban ng Diyos.  Ugaliin nating suriin ang ating kalooban, ang ating puso’t isipan, dahil ito ang nagdidikta ng ating pagkilos…  Kung si Jesus ang nananahan sa ating kalooban, mamumuhay tayong may pag-ibig at malasakit sa kapwa.  Pero kung kasamaan ang nilalaman ng ating kaloooban, kasamaan din ang lalabas sa mga gawa natin.

PANALANGIN:

Panginoon, manahan po kayo sa aming mga puso’t isipan. Alisin nyo po ang galit, poot at malalaswang bagay na nag-uudyok sa amin na gumawa ng kasalanan. Palitan n’yo ng pagmamahal, habag at malasakit upang maging mapagmahal at mahabagin kami sa aming kapwa. Amen.)