Daughters of Saint Paul

HUNYO 13, 2020 – SABADO SA IKA-10 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 5:33-37

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: ‘Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan. Tuparin mo ang sinumpaang pangako sa panginoon.’ Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: huwag kayong manumpa sa ngalan ng Langit pagkat ‘naroon ang trono ng diyos,’ ni sa ngalan ng lupa pagkat ‘ito ang tuntungan ng kanyang mga paa,’ ni sa ngalan ng Jerusalem pagkat ‘ito ang lunsod ng Dakilang Hari.’ Huwag kang manumpa ni sa ngalan ng iyong ulo pagkat ni hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isang hibla ng iyong buhok. Sabihin mo “Oo kung Oo” at “hindi kong hindi.”  Ano pa mang sasabihin mo’y sa demonyo na galing.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Sa totoo lang ha?…  ito ang malimit nating marinig kung ang isang tao ay gustong patunayan na nagsasabi siya ng totoo. Pero may mga tao naman na para patunayan na totoo ang sinasabi nila, kinakailangan nilang manumpa sa ngalan ng kung anu-ano at kung kani-kanino. Halimbawa: panunumpa sa ngalan ng yumaong magulang o di kaya paghamon sa kalikasan “tamaan man ako ng kidlat, — peksman nagsasabi talaga ako ng totoo!.” Sa Mabuting Balita natin ngayon, pinapaalalahanan tayo ni Jesus tungkol sa mga maling panunumpang ito o “false oath”.  Noong panahon ng Lumang Tipan, sinasabi sa mga tao, na tumupad sa kung anong sinumpaang pangako ang ginawa nila sa Diyos.  Kaya pinaalala muna ito ni Jesus … Pero… ang kadugtong nuon.. sinabi rin ni Jesus na: Huwag na! “Huwag manumpa sa ano pa man, kahit na sa langit, dahil ito ay luklukan ng Diyos.” Sa totoo lang, kung seryoso tayo sa pagsunod kay Jesus, at sa pagsasabuhay ng ating pagiging Kristiyano, hindi na natin kailangang manumpa para patunayan na tayo ay nagsasabi ng totoo. Hindi lang sa salita, kundi katulad sa panahon natin ngayon —- sa social media, halimbawa. Wag nating hayaang maging parte tayo ng pangangalat ng mga kasinungalingan o fake news, na maaring ikapahamak at ikasira natin at ng kapwa natin — dahil bilang mga Kristiyano, tayo ay tinawag para ipahayag ang totoong pinanggagalingan at ang mismong katotohanan — si Jesus na ating Diyos. 

PANALANGIN:

O Jesus, tulungan mo kaming maging mga tagasunod mo, na may integridad — mga taong mapagkakatiwalaan sa pagsasabi ng totoo, at marapat na tagapamahayag Mo, bilang Daan, Katotohanan at Buhay. Amen.