Daughters of Saint Paul

HUNYO 11, 2021 – BIYERNES SA IKA-10 LINGGO NG TAON | Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus

EBANGHELYO: Jn 19:31-37

Ayaw ng mga Judeo na manatili sa krus ang mga bangkay sa araw ng pahinga. Paghahanda ng paskwa noon, kaya mas dakila pa ang araw na yon ng pahinga at hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin ang mga bangkay. Kaya pumaroon ang mga sundalo, binali nila ang binti ng una, at pati ang panglawa na ipinako sa krus. Pagsapit naman nila kay Hesus nakita nilang patay na sya, kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayon may sinibat ng isa mga sundalo ang kanyang tagiliran at umagos ang dugo at tubig. Ang nakasaksi ang nagpapatunay at totoo ang kanyang patunay, at siya ang nakaaalam na totoo ang kanyang sinasabi kaya maniwala kayo. Gayon kailangan maganap ang nasusulat, walang babaliin sa kanyang mga buto, at sinasabi pa ng isang kasulatan, pagmamasdan nila ang kanilang sinibat.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Narci Peñaredonda ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kamusta ang iyong puso, kapatid? (May isang pari na nag post sa kanyang FB wall, puso, katabi nito si Hesus na nakapako sa krus. Isinulat niya sa tapat ng puso “akala ko ito ang simbolo ng pag-ibig”, at sa tapat naman ng kamay na nakaunat sa krus, “ito pala ang pag-ibig.) Dakilang Kapistahan ngayon ng Kabanal-banalang Puso ni Hesus; Pusong malaki, pusong kayang mahalin ang lahat. Pag-ibig ang tema ng ating pagdiriwang. Ipinapakita sa atin ng Kapistahang ito ang pagmamahal ng Diyos. Tayong mga tao, puso ang ginagamit natin sa pagmamahal kaya kapag tayo’y nasaktan, tayo’y bumibigay. Si Hesus, ang kanyang kalooban ang ginagamit Niya sa pagmamahal. Ang loob Niya na handang sumunod sa plano ng Ama, at ito’y pag-ibig na may pagsasakripisyo. Kung nanamnamin natin ang kuwento ng Mabuting Balita, nakakalunos ang ginawa ng mga Hudyo kay Hesus. Pero, dahil minahal ni Hesus ang kalooban ng Ama, hinayaan Niyang pagdaanan ang sakit ng katawan, kahihiyan at mahubaran ng karangalan.  Sa ganitong paraan Siya namatay. Kung ako ito, susuko na ako. Pero si Hesus, dahil sa pagmamahal Niya sa Kanyang Ama at sa lahat ng minamahal ng Kanyang Ama, pinalaki Niya ang Kanyang puso sa pamamagitan ng pag-uunat nito sa krus; inilatag niya ang kanyang mga kamay sa krus tanda ng malaking puso na kayang tanggapin ang lahat, mahalin ang lahat/ at iligtas ang lahat. Mga kapatid, hinahamon tayo ng Mabuting Balita ngayon: Palakihin natin ang ating mga puso upang tulad ni Hesus  makaya nating magmahal ng maraming tao na mahirap mahalin. Ito’y magagawa natin, hindi sa yakap na mahigpit, kundi sa dalawang bukas na kamay na nakaunat at nagsasabi ng malaking “Welcome!”  

PANALANGIN

Panginoong Hesus, na ang pusong maamo ay aming sinugatan, tulungan mo kaming matularan Ka sa pagmamahal, ngayon at magpakailanman. Amen.