Daughters of Saint Paul

HUNYO 12, 2021 – SABADO SA IKA-10 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 2:41-51

Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila. Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.

PAGNINILAY

Isinulat ni Arlene Banta ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo.  Natunghayan natin sa Mabuting Balita ang pagiging normal ni Hesus bilang isang bata, na may mataas ang kaisipan na makatuklas ng mga bago at mga kakaiba, katulad na lamang, nang ano ba ang mga ginagawa mga guro sa templo at paano nila ito ginagawa? Pero dahil sa siya ay Anak ng Diyos, taglay na niya ang kakaibang karununungan mula sa Ama, at sa pagtuturo ng kanyang mga magulang na sina Maria at Jose.  Ang kabalisahan ng kanyang mga magulang na si Maria at Jose, ay isang normal na reaksiyon ng mga magulang, na nagmamahal sa anak. Ang isang ina ay mayroong sariling pamantayan, paano nagpapatupad ng mga panuntunan para sa anak. Kasama na dito ang sila’y mahubog, na may takot at pagmamahal sa Diyos. Ang ginawang pagsagot ni Hesus sa kanyang ina, ay maihahalintulad natin sa sitwasyon ng mga kabataan ngayon. Ang pagsagot ay malayang pagpapahayag lamang ng kanilang damdamin, pero marapat ding turuan ang mga anak ng wasto at may paggalang pagpapahayag ng kanilang saloobin. Ang isang ina ay palaging nakakaunawa sa kanyang anak at ang bawat karanasan ay kanilang iniingatan sa puso. Magkaiba man ang pagkaunawa ng magulang at anak, ito ay pinagtatagpo pa din sa awa ng Diyos, matagal man o mabilis, ito ay darating pa din sa takdang panahon.

PANALANGIN

Kalinis-linisang puso ni Maria, bigyan mo kami ng pananampalataya at pananalig na handang manahimik at makinig sa mga sorpresa ng Diyos sa aming buhay. Amen.