Daughters of Saint Paul

HUNYO 14, 2020 – LINGGO NG DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO/ CORPUS CHRISTI (A)

EBANGHELYO: Jn 6:51-58

Sinabi ni Jesus sa mga Judio: “Ako ang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.” nagtalu-talo kong gayon ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng karne para kainin?” “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay sa inyong kalooban. May buhay na walang hanggan ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at ibabangon ko siya sa huling araw. “Sapagkat tunay na pagkain ang aking laman at tunay na inumin ang aking dugo. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng buhay na Ama at may buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang kumakain sa akin. “Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi para kainin at mamatay tulad sa inyong mga ninuno. Mabubuhay naman magpakailanman ang kumakain ng tinapay na ito.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  May kasabihan sa Inggles, “Let food be your medicine so that medicine will not be your food.” Kasabay ng community quarantine sa buong mundo, nagkaroon ng panawagan na kailangang magpalakas ang bawat tao ng kanyang katawan, kumain ng sariwa at masusustansyang pagkain at mag ehersisyo. Ito na rin marahil ang ituturing nating “new normal” o bagong kalakaran ng buhay. Kailangan tayong maging maingat at mapili sa ating pagkain para tumibay ang resistensya natin laban sa sakit at hindi tayo dapuan ng virus.  Noon pa mang unang panahon sinikap na ng mga tao na maghanap ng pagkaing magdurugtong sa kanilang buhay. Hinanap ng mga Romano, halimbawa, ang tinatawag na “fountain of youth” at sinasabing natagpuan ng ilan ang minimithing pagkain na tinawag nilang “ambrosia” at ang inumin na “nectar”. Isa lamang itong pagtatangka na hanapin ang pagkaing tunay na nagbibigay ng buhay na walang hanggan, at ito’y walang iba kundi ang katawan at dugo ni Jesucristo.