Daughters of Saint Paul

HUNYO 15, 2020 – LUNES SA IKA-11 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 5:38-42

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Narinig na ninyo na sinabi: ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at ibaling ang kabilang pisngi. Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. Kung may pumilit sa iyong sumama sa kanya ng isang kilometro, dalawang kilometro ang lakarin mong kasama niya. Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hiniram sa iyo.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Naranasan mo na bang mangggigil sa galit? Parang ang sarap sa pakiramdam na gumanti, lalo na kung buhay ang inutang gaya ng ginawa ni Reyna Jezabel, sa ating Unang Pagbasa ngayon. Krimen na nag-ugat sa pagkamakasarili at kasakiman. Kaya may batas noon na mata sa mata, ngipin sa ngipin upang limitahan ang pinsala ng pagganti. Pero, iba ang sinasabi ng ating Mabuting Balita ngayon. Sa English Standard Version na Bibliya, ganito ang pagkakasalin ng verse 39 “But I say to you, do not resist the one who is evil.” Ibig sabihin ba nito magpapaapi na lamang tayo? Sa palagay ko, hindi! On the contrary, Jesus is teaching us how to deal with evil. Ayon sa paliwanang ng isang biblical scholar na nabasa ko, tinuturuan tayo rito ni Jesus na huwag nating tapatan ng karahasan o kasamaan, ang masamang ginawa sa atin ng ating kapwa. At nagbigay siya ng tatlong halimbawa, Sabi sa verse 39 hanggang 40, “kung sinampal ka sa kanan mong pisngi, iharap mo ang kabila; sa ibig magsakdal saiyo upang agawin ang iyong baro, ibigay mo pati balabal mo; ang nagpapasama sa iyo sa layong isang milya, samahan mo sa dalawang milya”.   Ipinahayag dito ni Jesus na hindi pagganti ang lunas sa gumawa sa atin ng masama. By voluntarily offering more than what is asked of us, we unleash our freedom to manifest the righteousness of God, depriving the evil one to have power over us.  Sa ganitong paraan tayo iniiwas ni Jesus sa masama. Kung gaganti tayo sa gumawa sa atin ng masama, ano pa ang kaibahan natin sa kanya. Magiging masama rin tayong gaya nya. Sa pagpapatawad at pag-uunawa, mag-uumpisa ang paghilom. Hingin natin ang biyayang ito sa Panginoon.