Daughters of Saint Paul

HUNYO 16, 2020 – MARTES SA IKA-11 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 5:43-48

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin n’yo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan. Kung mahal n’yo ang nagmamahal sa inyo, ano ang gantimpala niyo? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.”

PAGNINILAY:

Ang Ebanghelyong narinig natin, pagpapatuloy sa narinig natin kahapon. Patuloy tayong inaanyayahan ng Panginoon na huwag suklian ng masama ang masamang ginawa sa atin. Sa halip na gantihan ang taong nagkasala sa atin, pinapaalalahanan pa tayo ngayon na mahalin sila, gawan ng mabuti at ipagdasal. Tanging sa ganitong paraan lamang mahihinto ang hidwaan.  Tanging sa ganitong paraan lamang magiging ganap ang ating kabanalan. Mga kapatid, ang Ama sa Langit ang ating huwaran para marating ang ganitong kaganapan.  Ano ang dapat nating malaman at matularan sa Ama? Hangarin ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao – lahat inanyayahan, lahat mahalaga, lahat minamahal. Kaya nga sinasabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang umuusig sa inyo.” Dahil ito ang pamamaraan ng Diyos upang ang mundo’y maging lugar ng mga taong ganap sa pagmamahal.  Kung ang Diyos ang simula ng pagmamahal, nararapat lamang na ang bawat pagmamahal, sumasalamin sa pagmamahal ng Diyos.  Pero paano ba natin ito gagawin sa ating buhay?  Paano ba iibigin ang isang kaaway? Sa ating karanasan, mas mahirap umibig ng kaaway lalo na kung ang itinuturing na kaaway, isang dating kaibigan.  Mas masakit kung ang nang-iwan o nandaya o nanira sa atin, isang kaibigan. Pero di ba’t naranasan din ni Jesus ang pagtaksilan, itatwa, iwanan at ipagkanulo ng mga kaibigan?  Pero hindi Niya hinayaang palawakin ang paglayo ng kalooban sa isa’t isa. Iniwan Niya ang bakas ng kahapon at sa halip, pinatawad ang sa Kanya’y nagkasala.  

PANALANGIN:

Panginoon, tulungan Mo po akong magpatawad ng lubos, nang makayanan kong mahalin at gawan ng mabuti ang mga nagkasala sa akin.  Amen.