Daughters of Saint Paul

HUNYO 15, 2021 – MARTES SA IKA-11 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 5:43-48

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin n’yo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan. Kung mahal n’yo ang nagmamahal sa inyo, ano ang gantimpala n’yo? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Precy Palad ng Institute of Our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo.  May nabasa po akong reflection ng isang nanay na nawalan ng anak. Isang araw sa korte, nilapitan sya ng pumatay sa kanyang anak. Iniabot nito ang kanyang kamay sa kanya at humingi ng tawad. Sa puntong iyon, di alam ng ina kung ano ang gagawin niya at kung ano ang kanyang mararamdaman. May galit at sakit ng loob, may bigat ng puso. Pero bigla nagawa niyang iabot din ang kanyang kamay at yakapin ang pumatay sa kanyang anak. At naramdaman niya ang gaan ng kalooban.Yong mismong oras na iyon napagtanto nya, hindi sa ganang sarili niya nagawa, ang magpatawad. Noong oras na iyon, nadama niyang hawak din niya ang kamay ni Hesus, at si Hesus ang nagbigay ng kakayahan sa kanya na magpatawad. Wala tayong kakayanang lubusang magmahal kung sa ating sarili lamang. Sabi nga ng mga millennials “di ko K ang magmahal ng ganon”. Ang hirap kayang magpatawad lalo na kung malalim ang sugat na naranasan.  Ang kwento ng inang ito ay isang konkretong halimbawa kung paano tayo ginagabayan at sinasamahan ng ating Panginoon sa araw- araw nating buhay. Di niya tayo iniiwan, pagkatapos Niya tayong turuan ng mga aral at bigyan ng halimbawa ng kanyang buhay at misyon. Patuloy Niya tayong inaalalayan upang tulad Niya ay makasunod tayo sa kanyang turo, hamon at anyaya na magmahal para sa lahat: kaibigan o kaaway man: magmahal ng walang pasubali, walang pili, walang tigil. Kakayanin nating maging katulad ng Ama sa walang hanggang pagmamahal, at sa Kanyang walang hanggang awa, dahil kasama natin si Hesus ang ating Kapatid. He is truly with us empowering us in the Sacraments and in the Sacred Scriptures.