Daughters of Saint Paul

HUNYO 16, 2021 – MIYERKULES SA IKA-11 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 6:1-6, 16-18

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat na hindi maging pakitantao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin n’yo wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa Langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila ng husto. Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. Kung mananalangin kayo, huwag n’yong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo. Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantipalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno na pakitantao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Ma. Janice Golez ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo.  (Pakitang-tao—ito ang tawag kung ang intensyon lang ng isang tao ay ipakita at patunayan sa iba na magaling at mabuti ang ginagawa nito.  Sa kabilang dako, meron din namang gawain na sekretong nangyayari, di nangangailangan ng atensyon at papuri, pero tunay ang kabutihan na di lamang para sa sarili kundi pati na rin sa kapwa.  Lahat tayo ay merong tendency na maging alin man sa dalawa—ang tahimik na gumawa ng totoong kabutihan o nagpapakitang-tao lamang.)  Sa Mabuting Balitang ating narinig, binalaan ni Hesus ang kanyang mga alagad tungkol sa pagpapakitang-tao. Partikular Nyang binigyan-pansin ang tatlong religious practices—ang pagbibigay ng limos, pagdarasal at pag-aayuno. Sinabi Nya sa kanyang mga alagad, “Pag-ingatan ninyong hindi pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit.” Ngayong panahon ng pandemya, marami tayong nakikitang mga mabubuting gawain para sa ating kapwang naghihirap at nangangailangan. May mga nagbabahagi ng tulong pero ayaw magpakilala. May mga nag-iiwan ng kanilang mga donasyon na hindi nag-aasam ng publicity sa kanilang pangalan. Tunay na kahanga-hanga ang mga tulad nila. Talagang isinasabuhay nila ang turo ni Hesus sa Mabuting Balita ngayon. (Mga kapanalig, gumawa tayo ng tama at mabuti na di naghihintay ng kapalit; di nag-aasam ng parangal o papuri. Gawin natin ang mga ito nang may kusa at buong pagmamahal at di pakitang-tao lamang. Kundi, sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa at tapat na intensyon, maipakita natin sa mga tao ang tunay na kabutihan ng ating Amang mapagmahal.)