Daughters of Saint Paul

HUNYO 17, 2021 – HUWEBES SA IKA-11 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 6:7-15

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi. Kaya ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa masama. Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.” 

PAGNINILAY

Isinulat ni Bro. Samy Torrefranca ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Marami tayong pag-aalala sa buhay lalo na sa panahon ngayon ng pandemya, mga takot at agam-agam na hindi mabilang. Kaya kapag nagdadasal tayo, hindi natin madama ang koneksyon ng Diyos sa atin dahil nga sa mga maiingay na takot sa isipan natin. Hindi natin alam kung ano ang totoong nais natin dahil puno tayo ng ating sariling salita. Ang panalanging itinuro ni Hesus, ang Ama Namin ay isang pagbuod at modelong gabay kung paano tayo humingi at magdasal sa Diyos. Sa panahong hindi natin mabigkas ang nasa kaibuturan ng ating puso, dasalin ang Ama Namin. At ihalintulad ang ating panalangin sa nilalaman ng Ama Namin. Ang dasal na ito ay puno ng pagpakumbaba, tiwala, at pananampalataya sa Diyos. Pagpapakumbaba, dahil alam natin na tayo’y may Tagapaglikha na siyang may lalang sa bawat isa sa atin at ang lahat ng biyaya ay hindi galing sa sarili nating mga gawa. Tiwala, sumasalamin sa dasal na ito ang lalim ng ating pag-asa sa Diyos na sa lahat ng sakuna at hatid na takot ng pandemya sa ating buhay, tayo ay iaadya sa kapahamakan. At ang huli, pananampalataya ang banggit sa Ama Namin. Nagsusumamo tayo tulad ni Hesus, na ang Ama, ay ating Diyos. Ito ang simbolo ng napakapersonal na relasyon natin, isang matamis na pananampalataya na tayo’y may Ama, at tayo ay personal na konektado sa Kanya.