Daughters of Saint Paul

HUNYO 18, 2021 – BIYERNES SA IKA-11 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 6:19-23

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag dito sa lupa kayo mag-ipon ng inyong mga iniipon sapagkat dito’y masisira ang mga iyon ng mga kulisap at kalawang, at mananakaw ng magnanakaw. Sa piling ng Diyos kayo mag-ipon ng inyong iniipon; wala nga roong kulisap o kalawang na sisira, at walang magnanakaw. Malaman mo sana na kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso. Ang iyong mata ang lampara ng iyong katawan; kung malinaw ang iyong mata, nasa liwanag ang buo mong katawan. Kung malabo naman ang iyong mata, nasa kadiliman ang buo mong katawan. At kung dumilim ang liwanag na nasa iyo, gaano pa kaya ang madilim!”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Nina Caccam ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo. “Huwag kayong mag-ipon ng kayamanan para sa inyong sarili rito sa mundo, dahil dito ay may mga insekto at kalawang na sisira sa inyong kayamanan, at may mga magnanakaw na kukuha nito. Sa halip, mag-ipon kayo ng kayamanan sa langit, kung saan walang insekto at kalawang na naninira, at walang nakakapasok na magnanakaw. Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan, naroon din ang inyong puso.” “Ang mata ang nagsisilbing ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong mata, maliliwanagan ang buo mong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong mata, madidiliman ang buo mong katawan. Kaya kung ang nagsisilbing ilaw mo ay walang ibinibigay na liwanag, napakadilim ng kalagayan mo.” (“Walang taong makapaglilingkod nang sabay sa dalawang amo. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o kayaʼy magiging tapat siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan.”) Kapatid, naitanong mo ba sa sarili mo kung ano ang pinakamahalaga sa buhay mo? Maaaring ito ay bagay, yaman, tao o sitwasyon. Sa sandalling matumbok natin ang pinakamahalagang ito sa ating buhay, siguradong malalaman natin kung nasaan ang ating puso. Dahil kung nasaan ang ating puso, doon din natin ibinubuhos ang lahat ng ating oras at atensyon. Hinihikayat tayo ng Mabuting Balita na maging maliwanag ang pagtingin sa kung ano ang bibigyang halaga natin sa buhay na ito. Kailangang malaman natin ang ating “focus” sa lahat ng panahon at sa lahat ng oras dahil kung hindi’y maaaring naibabaling lamang natin ang ating kalakasan at atensyon sa walang kwentang bagay, yaman, tao o sitwasyon.