MATEO 5:33-37
Narinig na rin ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan. Tuparin moa ng sinumpaang pangako sa Panginoon. Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: huwag kayong manumpa sa ngalan ng Langit pagkat naroon ang trono ng Diyos, ni sa ngalan ng lupa pagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa, ni sa ngalan ng Jerusalem pagkat ito ang lunsod ng Dakilang Hari. Huwag kang manumpa ni sa ngalan ng iyong ulo pagkat ni hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isang hibla ng iyong buhok. Sabihin mong oo kung oo at hindi kung hindi. Ano pa mang sasabihin mo’y sa demonyo na galing.
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, di ba lahat tayo, may pinangakuan at may sinumpaan? Halimbawa, tayong mga anak, sumusumpa tayo sa ating mga magulang na magiging mabuting anak; sa mga mag-asawa naman, sumusumpa kayo sa inyong kabiyak na magiging tapat; at sa mga nanunungkulan sa bayan, sumusumpa kayo na gagampanan ng maayos ang inyong mga tungkulin. At ngayon naman sa Ebanghelyo, pinapaalalahanan tayo ng Panginoong Jesus na huwag paglalaruan ang Ngalan ng Diyos sa inyong pagsumpa. Di ba’t ang Diyos mismo ang nagsabi sa Kanyang Ikalawang Utos na “huwag babanggitin nang walang kabuluhan ang Kanyang pangalan? Nangangahulugan ito, na isang paglapastangan ang pagbigkas ng Pangalan ng Diyos kung tayo’y galit, nagsisinungaling, at nagbitiw ng masasamang sumpa sa kapwa at paghahangad ng kapahamakan ng iba. Hindi rin tama na gagamitin pa ang Ngalan ng Diyos para patunayan na totoo ang pangako natin, pero hindi rin pala tayo magiging tapat. Kung tutuusin ang bawat pangako at sumpa’y sagrado at hindi ito dapat paglaruan. Dahil sa tuwing nangangako at nanunumpa tayo, pinatutunayan natin ang ating katapatan sa ating tungkulin sa Diyos at sa kapwa. Nakataya dito ang credibilidad natin bilang taong tapat sa binitawang salita at mapagkakatiwalaan. Dumulog tayo sa Panginoong Jesus. Siya ang Banal at tapat na Salita ng Diyos. Hilingin natin sa Kanya ang biyaya ng katapatan at dalisay na kalooban sa tuwing mangangako tayo. Sa gayon, bukod sa maiwasan rin nating makasakit at makabigo ng kapwa, maigagalang natin ang kabanalan ng ating Panginoon. Panginoon, patawarin Mo po ako sa mga pagkakataong hindi ako naging matapat sa aking sinumpaan, at ginamit ko nang walang paggalang ang Iyong Ngalan. Amen.