Daughters of Saint Paul

HUNYO 16, 2022 | HUWEBES IKA-11 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Ebanghelyo: Mateo 6:7-15

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi. Kaya ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang, gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa masama. Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”

Pagninilay:

Narinig natin sa Ebanghelyo ngayon, ang aral ng Panginoon tungkol sa panalangin at kung paano magdasal. Nariyan ang panalangin ng pagbibigay-puri sa kabanalan ng Diyos at ang paghingi ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. Gayundin ang paghingi ng mga pangangailangan natin sa pang-araw-araw at ang pagsumamo sa kapangyarihan ng Diyos na malayo tayo sa anumang tukso o kapahamakan. Tunay na dakila, mapagmahal, mapagpatawad, at mapagbigay ang Diyos natin. Buhay Siya at personal, tulad ng ating mga ama na tumatayo bilang “haligi” ng ating mga pamilya. Ito ang imahe ng Diyos na pinaniniwalaan at sinasaligan ni Jesus. Ito rin ang imahe na nais Niyang ituro at ipakita sa atin na kanyang mga alagad. Kapansin-pansin ang unang mga linya ng panalangin ni Jesus. Sinasabi niya “Ama namin” hindi “Ama ko.” Marahil nais ipakita ng ating Panginoon na ang tunay na batayan ng ating pananampalataya, ay makikita sa ating pagmamahal sa ating kapwa, na katulad natin, ay anak din ng Diyos. Sabi nga ng isang pilosopo, hindi nababago ng kahit anupamang taimtim na dasal ang Diyos. Ang tunay na dasal, natatamasa lamang kapag may pagbabago sa taong nagdarasal, kapag ang nagdarasal, ay nagiging mas mapagmahal. Mga kapatid, bawat isa sa atin, ay may tungkuling ginagampanan sa gawaing pagliligtas ng ating Panginoong Jesukristo. Ang kaligtasan ni Kristo Jesus, ay hindi kailanman makakamit nang mag-isa. Nagaganap at mas nagiging “ganap” ito sa pamamagitan ng pakikiisa natin sa Inang Simbahan, sa kanyang buhay sakramental o liturhikal, sa pagtulong sa kapwa lalo na sa mga mahihirap at inaaapi, at sa ating personal na buhay pananampalataya. Tunay na umaapaw ang pag-ibig ng Diyos Ama sa atin na Kanyang mga anak. Ano ang tugon natin sa dakilang pag-ibig na ito?

Panalangin:

Panginoon, panibaguhin Mo ang aking ugaling makasarili. Turuan Mo akong magpatawad, katulad ng pagpapatawad ng Ama sa Langit. Amen.