Daughters of Saint Paul

HUNYO 7, 2022 | MARTES SA IKA-10 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Ebanghelyo: Mateo 5:13-16

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao. Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay nilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawa at pupurihin nila ang inyong Amang nasa Langit.”

Pagninilay:

Mas maganda ‘pag maliwanag ‘di ba? Kita lahat at hindi tayo takot. Pero ‘pag madilim nangangapa tayo dahil wala tayong makita at baka kung may mangyari pa sa atin. Sa ebanghelyo ngayon, inaanyayahan tayo ni Hesus na maging asin at ilaw; mga elemento na importante sa ating buhay. Maging asin tayo na nagbibigay kasiyahan at kuntento sa iba. Ilaw na gumagabay sa ating paglalakbay at hindi lamang sa atin kundi sa iba din. Parehong mahalaga at mukhang ordinaryo pero pag nawala siguradong hindi maging kumpleto ang ating buhay. Walang lasa ang pagkain at ang lungkot naman pag walang ilaw. At siguradong walang mabubuhay na kahit anong organism sa mundo. Ang ebanghelyo ay nag-aanyaya din sa atin na gumawa ng tama at hindi mapagmayabang. Hindi natin inaapakan ang iba at hindi selfish sa mga bagay na meron tayo. Kapag mapagbigay tayo, para tayong ilaw na kahit sa karimlan ay gumagabay. Kapag tuwid na buhay ang tinatahak natin, nagiging ehemplo tayo sa iba at nagiging daluyan ng grasya ng Panginoon. Nagiging daan din tayo para matuklasan ng iba ang ilaw na galing sa mapagmahal na Diyos. Kagaya ng asin at ilaw binabahagi natin ang ating ang grasya na bigay sa atin ng Diyos. Ika nga, “It is better to give than to receive,” dahil sigurado tayo na alam na alam ng Diyos ang bawat kilos natin. At kapag pagluluwalhati natin ay para sa Kanya, hindi Niya tayo pababayaan.

PANALANGIN: Panginoon salamat sa biyaya ng buhay at sa grasya ng bawat isa-isa. Tulungan po Ninyo kaming ituwid ang kamaliang aming nagawa at nawa’y ang aming presensiya ay maging biyaya sa iba. Inaalay namin sa Iyo ang bawat araw na dumarating sa amin at sana maging matatag pa sa hamon ng buhay. Amen.