Daughters of Saint Paul

HUNYO 5, 2022 | DAKILANG KAPISTAHAN NG LINGGO NG PENTEKOSTES

Ebanghelyo: Juan 20:19-23

Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Kapayapaan sa inyo!” Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli niyang sinabi sa kanila: “Kapayapaan sa inyo! Kung paanong isinugo ako ng Ama, ipinadadala ko rin kayo.” At pagkasabi nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatiliin naman sa sinuman ang inyong panatiliin.”

Pagninilay:

Para sa mga Judio sa sinaunang panahon, nagtakda sila ng araw pasasalamat sa Diyos para sa masaganang ani mula sa bukid. Bumilang sila ng limampung araw mula Kapistahan ng Tinapay na Dapa hanggang umabot sa tinatawag nilang Feast of the Weeks, panahon ng pasasalamat kay Yawe para sa mga biyaya ng lupa. Nagtakda ang mga unang Kristiyano ng katulad na pagdiriwang. Limampung araw din ang binilang. Ngunit hindi mga gulay na inani a bukirin ang ipinagpapasalamat natin kundi ang mga kaloob ng Espiritu Santo: karunungan, pagkaunawa, kahatulan, lakas ng loob, kaalaman, kabanalan at takot sa Diyos. Sa Lumang Tipan, matatandaan natin na ibinigay ng Diyos ang kanyang hininga sa mga unang tao na nilalang niya – sina Adan at Eba. Nagpropesiya si Ezekiel kung paanong sa mga huling araw darating ang Diyos at ibibigay niya ang kanyang hininga sa mga kalansay, bibigyan sila ng laman, at makabangon at mabuhay muli. Si propeta Joel ang naglahad ng pagkilos ng Espiritu santo sa mga taong nabubuhay sa lupa: “Ito ang gagawin ko sa mga huling araw, sabi ng Diyos, pagkakalooban ko ng aking Espiritu ang lahat ng tao, at sa ngalan ko’y magpapahayag ang inyong mga anak. Ang inyong mga binata’y makakakita ng mga pangitain. At ang inyong matatandang lalaki’y magkakaroon ng mga panaginip.” Sa Bagong Tipan narinig natin ang Espiritu Santo na ipinangako kay Maria na siyang maglalalang ng isang sanggol sa kanyang sinapupunan. Sa ikatlong araw makalipas ang Muling Pagkabuhay, ibinigay ni Kristo sa mga apostol ang kanyang hininga. Ngunit naghintay sila sa ikalimampung araw bago nila tanggapin ang malakas na hagunot ng hangin at dapuan sila ng Espiritu Santo sa anyo ng mga dilang apoy. Nagsalita sila sa iba’t ibang wika ngunit umiral ang pagkakaunawaan. Binaligtad ng Pentekostes ang malagim na sinapit ng mga tao sa Tore ng Babel. Tinangka nilang higitan ang Diyos, nagtayo sila ng isang tore na sing tayog ng kanilang mga ambisyon ngunit nasadlak sila sa gulo at pagkahati-hati at pagkakanya-kanya. Kinikilala ang kapistahan ng pentekostes na birthday ng Simbahan. Nawa bumangon tayo mula sa kalansay ng nakaraan. Nawa makakita ng pangitain ang ating mga kabataan at ang mga matatandang lalaki at babae ay huwag bumitiw sa kanilang mga panaginip.