Daughters of Saint Paul

HUNYO 4, 2022 | SABADO SA IKA-7 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

Ebanghelyo: Juan 21:20-25

Paglingon ni Pedro, nakita niya na sumusunod ang alagad na mahal ni Jesus, ang humilig sa dibdib niya noong hapunan at nagtanong: “Panginoon, sino ba ang magkakanulo sa iyo?” Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi niya kay Jesus: “Panginoon, ano naman ang mangyayari sa kanya?” Sinabi ni Jesus: “Kung loobin ko siyang manatili hanggang ako’y pumarito, anong pakialam mo? Sumunod ka sa akin!” Dahil dito’y may lumalaganap na paniwala sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito pero hindi naman sinabi ni Jesus: “Hindi mamamatay” kundi “kung loobin ko siyang manatili hanggang sa aking pagdating.” Ito ang alagad na nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at sumulat ng mga ito. Alam namin na totoo ang kanyang pagpapatunay. Marami pang ibang ginawa si Jesus, na kung masusulat ang mga iyon nang isa-isa, sa tantiya ko’y di magkakasya sa mundo ang mga isusulat na mga aklat.

Pagninilay:

Panginoon, ano po naman ang mangyayari sa taong ito? Si Pedro, masyadong curious sa mangyayari kay Juan. May pagka-Marites din ba siya? Mga kapanalig, hindi ba’t sa mararaming pagkakataon naging kagaya tayo ni Pedro, curios sa kung ano ang mangyayari sa iba. Na minsan nakakalimutan natin na ang bawat buhay natin ay nakaukit na sa palad ng Diyos. Alam na Niya na mapapabuti tayo kung isasabuhay natin ang kanyang mga salita at sumunod sa mga tagubilin Niya. Sabi nga ni Hesus: Ano sa iyo ang maging buhay niya, basta ikaw, sumunod ka sa akin. Kumalat pa ang balita na hindi mamatay agad si Juan. Alam natin na si Juan ay hindi namatay bilang martyr, siya ay namatay sa katandaan dahil yun ang tadhana na inilaan ng Diyos sa kanya. Samantala si Pedro at ibang apostol ay naging mga martir. Ang balita parang apoy na kumakalat agad, marami ang nasisira ang dangal dahil sa mga haka-haka at usyuso. Pag pinag-uusapan ang buhay ng ibang tao para itong musika sa ating mga tainga. Pero pagtayo ang napag-usapan para tayong apoy rin na handa kumalat ng lagim. Ito ang dapat nating bigyan ng pansin, ang kahalagahan ng respeto sa kapwa at pag-iwas sa pagkakalat ng hindi maganda tungkol sa iba. Makinig sa salita ng Panginoon na walang ibang hiling sa atin kundi ang maging tapat at may pagmamahal sa bawat isa. At pagyamanin ang mga biyayang itinalaga Niya sa atin.

Panalangin:

Panginoon, tulungan niyo po kaming maging mabuting mamamayan at ipalaganap lamang kung ano ang tama at nakakabuti sa lahat. Nawa’y maging halimbawa kami ng kadakilaan ng Iyong pagmamahal. Pahalagahan ang dignidad ng aming kapwa para sa kapayaan ng bawat isa. Amen.