EBANGHELYO: Mt 6:1-6, 16-18
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat na hindi maging pakitangtao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin n’yo, wala na kayong gantimpala sa inyong amang nasa langit. “Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan, gaya ng ginagawa ng mga magpagkunwari sa Sinagoga at sa mga daan gusto nilang mapuri ng mga tao, sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila ng husto.”Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa nga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. Kung mananalangin kayo, huwag n’yong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo…. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno na pakitangtao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.”
PAGNINILAY:
(Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.) Bahagi ng paghuhubog namin sa pagmamadre ang magkaroon ng mahabang oras ng pananalangin. Dito ay binibigyan kami ng panahon na kilalanin ang Diyos Ama, si Jesus at magkaroon ng malalim na karanasan sa Banal na Espiritu. Noon, natuklasan ko na hindi ako mismo ang lumapit kay Jesus, ang Diyos Ama mismo ang naglapit sa akin kay Jesus, at kung bakit ako nananatili sa piling ng Diyos, ay dahil sa paggabay ng Espiritu Santo. Sa pagbabasa ng Banal na Kasulatan, madalas ay inaanyayahan ako ni Jesus na tularan ang kanyang mga gawa. Hinahamon akong sundin ang mga utos Niya, na bilang tao ay hindi madaling gawin. Sa paghuhubog nagbubunga ito ng malalim na pagkakilala kay Jesus. Ang karunungan dito sa mundo ay maibubunyag sa tamang panahong ninais ng Diyos. Hamon din ito sa atin na gawing lihim ang anumang mabuting ginawa natin. Dahil ang gawang mabuti dito sa mundo, sa langit may gantimpala. Huwag nating hangarin na papurihan dito sa lupa. Hayaan nating sa langit ito ibunyag ng Panginoon. Pagpalain nawa tayo ng Diyos. Amen, Amen.