Daughters of Saint Paul

HUNYO 19, 2020 – BIYERNES SA IKA-11 NA LINGGO NG TAON | Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Jesus (A)

EBANGHELYO: Mt 11:25-30

Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak. Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul.  Hindi bahagi lamang ng pisikal na katawan ni Jesus ang ipinagdiriwang natin kundi ang pag-ibig na inilalaan niya para sa tao. Nang ipadama niya ang pag-ibig niyang ito, naranasan ito ng mga Judio sa pamamagitan ng matiyaga niyang pagtuturo sa madla. Nagdalang-habag siya sa kanila. Hindi naman sila nangiming lumapit sa kanya dahil nakita nga nila na mahinahon si Jesus at mababang-loob. Totoong nakatagpo sila ng ginhawa para sa kanilang kaluluwa. Bukod dito, naging makatotohanan si Jesus at inamin sa kanila na sa pagsunod sa kanya, magpapasan pa rin sila ng pamatok. Hindi sila magiging exempted sa mga pagsubok sa buhay, pero pagiginhawahin niya ang lahat. Hindi nga ba nakakaluwag sa kalooban na malaman natin na habang dumaraan tayo sa mga mahigpit na suliranin, hindi tayo iniiwan ni Jesus at patuloy niya tayong dinadamayan? Kung tayo’y nasasaktan dahil sa mga paghihirap ng buhay, hindi nga ba nagdurugo rin ang puso ni Jesus? Mga kapatid,ngayong ipinagdiriwang natin ang dakilang kapistahan ng kamahal-mahalang puso ni Jesus, inaaanyayahan tayong itanim sa ating puso at isipan kung gaano tayo minamahal ni Jesus.  Hindi ito katotohanan na magsisilbing pampalubag-loob lamang. Ito ang katotohanang magpapamulat sa atin para maging tunay na maligaya sa buhay, para matuto maging mapagmahal at mapagpatawad sa kapwa, lalong-lalo na kapag ginagawan tayo ng masama.