EBANGHELYO: Lk 24:46-53
PAGNINILAY:
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Bro. Micha Miguel L. Competente ng Society of St. Paul. Sa dakilang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit, ipinapaalala sa atin na mayroon tayong dalawang “citizenships”. Una, mamamayan tayo sa mundo at pangalawa, mamamayan din tayo sa langit. Hindi magkasalungat ang dalawang ito. Sa katunayan, magkaugnay ang mga ito. Ang pamumuhay ng mabuti sa mundo ang daan para makamit ang pagiging mamamayan ng kalangitan, at sa kabilang banda naman, ang pagnanais na maging mamamayan ng kalangitan ang magsisilbing gabay para maging mabuting mamamayan tayo dito sa mundo. Nagpapatunay lamang ito na maaari nating makamit at maranasan ang kalangitan. Hindi lang ito lugar na pupuntahan natin pagkatapos natin dito sa mundo. Bagkus, isa itong estado na kung saan naghahari ang pagmamahalan, kapayapaan, katarungan, pagkakaisa at lahat ng mabubuting bagay. Samakatuwid, may langit tayong mararanasan kahit nandito pa tayo sa mundo. Pero hindi pa ito ang kaganapan. Mararanasan lang natin ang kaganapan ng kalangitan sa piling ng Diyos na kung saan harap-harapan na natin siyang makikita. Sa mundo na puno ng materyalismo, kawalan ng katarungan, walang habas na pagpatay sa mga inosente, hinahamon tayo simulan ang ating misyon, ang misyon na ipadama ang presensya ng Diyos sa lahat. Alalahanin natin na hindi nagtatapos ang kuwento ni Jesus sa pag-akyat niya sa langit. Bagkus, isa itong panibagong yugto para sa ating lahat na maging tunay na tagasunod ni Jesus. Mawala man ang pisikal na katawan ng ating Panginoon, tayo naman ang kanyang magiging bagong katawan, kamay, paa, bibig, mata at tainga. Sabi nga ni Santa Teresa ng Avila, Christ has no body now on earth but yours.