Daughters of Saint Paul

HUNYO 20, 2021 – IKA-12 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (B)

EBANGHELYO: Mk 4:35-41

Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”  Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya.  At may iba pang mga bangka na kasabay nila.  At nagkaroon ng malakas na ipuipo.  Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan.  Kaya ginising nila siya at sinabi: “Guro, halos mamamatay na tayo at balewala sa iyo!”             Pagbangon  niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat:  “Tumahimik, huwag kumibo.”  Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan.  At sinabi niya sa kanila:  “Napakatatakot ninyo!  Bakit?  Wala pa ba kayong paniwala?” Ngunit lalo silang nasindak at nag-usap-usap: “Sino ba ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Albert Garong ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Maraming dahilan kung bakit tayo Kristiyano. Dahil ito na ang nakagisnan, dahil sa simbahan nakakahanap ng mga kaibigan o ng komunidad, dahil nagagalingan kay father o sa pag-awit ng choir, o kaya dahil minsan napagbigyan ang ating panalangin, at kung anu-ano pa. Walang masama sa lahat nang ito, pero sana hindi ito ang pangunahing dahilan ng ating pagiging Kristiyano. Sa Mabuting Balita ngayon, nakita natin kung paanong halos ilubog ng bagyo ang bangka ng mga apostoles kasama ni Hesus. Pinapakita nito na ang pagsama kay Hesus ay hindi nangangahulugan ng isang maginhawang buhay. Minsan kasi natutulad tayo sa mga apostoles na nanunumbat kay Hesus: wala ka bang gagawin? ’Di mo ba nakikita ang pinagdaraanan namin? Tutulugan mo lang ba kami? Pero tandaan natin, na tayo’y sumusunod kay Hesus hindi para makinabang sa Diyos o sa kanyang simbahan. Sumusunod tayo, dahil sa kanya lang natin nakita ang totoong daan, katotohanan, at buhay. Sana hindi tayo Kristiyano dahil lang sa kung ano ang pwede nating makuha sa Diyos. Mga kapatid, bagamat hindi man agarang lunas sa ating mga problema ang binibigay ni Hesus, mas magandang regalo ang kanyang handog sa atin: na siya ay Emmanuel. Siya ay Diyos na sumasaatin, na ating karamay sa anumang pagsubok, sandigan sa panahon ng kagipitan, at kaligtasan mula sa buhay na walang kabuluhan.  Amen.