Daughters of Saint Paul

HUNYO 21, 2021 – LUNES SA IKA-12 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 7:1-5

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Huwag humatol at di kayo hahatulan. Kung paano kayo humatol sa inyong kapwa, gayon din naman kayo hahatulan, at susukatin kayo sa sukatang ginamit ninyo. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Halika, at aalisin ko ang puwing sa iyong mata,’? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at saka mo makikita kung paano aalisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Tina Madrigallos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. “Huwag kayong humatol upang di kayo hatulan.” Naging usap- usapan ang pahayag ni Pope Francis noon nang sinabi nyang “Sino ako para manghusga?” Nailagay ito sa ibang konteksto, pero iisa lamang ang gustong ipahiwatig ng Santo Papa – na ang Diyos ay mapagmahal at mapagpatawad. Sa tagpo ng ebanghelyo ayon kay San Juan tungkol sa Babaeng Nahuling Nakikiapid, sinabi si Hesus, “Ang walang kasalanan sa inyo ang siyang unang pumukol ng bato sa kanya!” pero, isa isang nagsi-alisan ang mga tao.  Mga kapatid, hindi natin maikakaila na marami sa atin ang mapanghusga sa kapwa. Ginagawa pa ngang pampalipas oras kadalasan, ang pagtsismisan ang kahinaan ng iba, kung ano yong hindi maganda sa kanila. At dahil doon, nakakaligtaan nating tingnan o suriin ang ating sarili, na malimit, mas malaki pa ang kapintasan kesa sa kanila.  Ani Hesus, “Bakit mo pinapansin ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo nakikita ang tahilan na nasa sarili mong mata?”Magandang maalaala natin ang mga katagang ito sa tuwing matutukso tayong punahin ang di kaaya aya sa iba o kaya’y husgahan ang mga taong di naman natin lubusang nakikilala. Sabi nga ni St John of the Cross, “At the end of our life, we shall all be judged by charity.” Hindi tayo tatanungin o huhusgahan base sa mga na-achieved nating karangalan, kundi kung paano tayo nagmahal.  

PANALANGIN

Mahabagin at mapagmahal na Ama, turuan mo po kaming makita ang kapwa namin tulad ng pagkakakita mo sa kanila. Hwag sana kaming maging mabilis sa paghusga, bagkus ay maging malawak ang aming pang unawa sa iba, dahil kami man ay nagkakamali at nagkakasala rin. Amen.