Daughters of Saint Paul

Hunyo 22, 2017 HUWEBES Ika 11 Linggo ng Taon / San Paulino de Nola, Obispo; San Juan Fisher, Obispo, at Santo Tomas More, mga martir

 

2Cor 11:1-11 – Slm 111 – Mt 6:7-15

Mt 6:7-15 

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan n'yo bago pa man kayo humingi.

             “Kaya ganito kayo manalangin:

               Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo,

               dumating ang kaharian mo, sundin ang loob mo

               dito sa lupa para nang sa Langit.

               Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw,

               patawarin mo ang aming mga pagkakautang

               gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin.

               Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa masama.

            “Kung patatawarin n'yo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit.  At kung hindi n'yo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”  

PAGNINILAY

Narinig natin sa Ebanghelyo ngayon, ang pagtuturo ng Panginoon kung paano magdasal. Nariyan ang pagbibigay-puri sa kabanalan ng Diyos at ang paghingi ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. Nariyan rin ang paghingi ng mga pangangailangan natin sa pang-araw-araw at ang pagsumamo natin sa kapangyarihan ng Diyos na malayo tayo sa anumang tukso o kapahamakan. Tunay na dakila, mapagmahal, mapagpatawad, at mapagbigay ang Diyos natin. Buhay Siya at personal, tulad ng ating mga ama na tumatayo bilang “haligi” ng ating mga pamilya. Ito ang imahe ng Diyos na pinaniniwalaan at sinasaligan ni Jesus. Ito rin ang imahe na nais Niyang ituro at ipakita sa atin na kanyang mga alagad.  Kapansin-pansin ang unang mga linya ng panalangin ni Jesus. Sinasabi niya “Ama namin” hindi “Ama ko.” Marahil nais ipakita ng ating Panginoon na ang tunay na batayan ng ating pananampalataya sa Diyos, makikita sa ating pagmamahal sa kapwa. Sabi nga ng isang pilosopo, hindi nababago ng kahit anupamang taimtim na dasal ang Diyos. Ang tunay na dasal, natatamasa lamang kapag may pagbabago sa taong nagdarasal, kapag ang nagdarasal, mas nagiging mapagmahal.  Mga kapatid, bawat isa sa atin, may tungkuling ginagampanan sa gawaing pagliligtas ng ating Panginoong Jesukristo. Ang kaligtasan ni Kristo Jesus, hindi kailanman makakamit nang mag-isa. Nagaganap at mas nagiging “ganap” ito sa pamamagitan ng pakikiisa natin sa Inang Simbahan, sa kanyang buhay sakramental o liturhikal, sa pagtulong sa kapwa lalo na sa mga mahihirap at inaaapi, at sa ating personal na buhay pananampalataya.   Tunay na umaapaw ang pag-ibig ng Diyos Ama sa atin na kanyang mga anak. Ano ang tugon natin sa dakilang pag-ibig na ito.  Manalangin tayo.  Panginoon, panibaguhin Mo po ang aking ugaling makasarili.  Turuan Mo po akong magpatawad, katulad ng pagpapatawad ng Ama sa Langit.  Amen.