Daughters of Saint Paul

Hunyo 23, 2017 BIYERNES Ika 11 Linggo ng Taon / Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Jesus San Jose Cafaso

 

Dt 7:6-11 – Slm 103 – 1Jn 4:7-16 – Mt 11:25-30

Mt 11:25-30

Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo.
            Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.
            Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin dahil mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawa ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.

PAGNINILAY

Mga kapatid, nababatid ba natin na ang ating pananampalataya bunga ng kagandahang loob ng Diyos?  Isa itong dakilang biyaya mula sa Diyos.  Ito ang tinutukoy ng Panginoong Jesus sa Kanyang pagbibigay-puri sa Diyos Ama.  Narinig natin Siyang nagpupugay sa Ama dahil inilihim ng Ama ang mga natatago sa mga pantas at matatalino upang isiwalat lamang sa mga mangmang at mga maliliit.  Sa bahaging ito ng Ebanghelyo, nasusumpungan natin kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng pananampalataya.  Maraming nagsasabing ang pananampalataya, pagpaubaya ng sarili sa kamay ng Diyos.  Ito’y lubos na pagtitiwala sa kagandahang loob ng Diyos. Na kahit anong mangyari hindi tayo pababayaan ng Diyos dahil Siya ang may ganap na kontrol sa ating buhay.   Ito din ang nagpapalakas sa atin para huwag sumuko sa gitna ng mga pagsubok na dinaranas sa buhay. Pero higit sa anupaman, ang pananampalataya, paglalahad ng paanyaya ng Diyos sa taong lumalayo sa Kanya.  Ang pananampalataya, pag-anyaya ng Diyos na muling makasama ang taong naligaw ng landas.  Ang pananampalataya, kagandahang-loob ng Diyos, pagkukusa Niyang tayo’y makasama hanggang wakas.  Mga kapatid, kung ang mga paghihirap natin sa kasalukuyan, binabata natin nang may pananampalataya at pagmamahal, magiging makabuluhan ang ating mga paghihirap.  Kung ang lahat ng paghihirap natin sa buhay papasanin nating kasama ang Diyos, magiging magaan ito.  Kaya nga sa mga kapatid nating nawawalan na ng pag-asa, at pagpapatiwakal na ang naiisip na solusyon, lumapit tayo sa Kamahal-mahalang puso ni Jesus.  Nalalaman Niya ang mga hirap na pinagdadaanan natin!  Isuko natin sa Kanya ang ating sarili at lahat ng mga alalahanin natin sa buhay na di na natin kayang pasanin.