Daughters of Saint Paul

Hunyo 24, 2017 SABADO Dakilang Kapistahan ng Pagsilang kay San Juan Bautista

 

Is 49:1-6 – Slm 139 – Gawa 13:22-26 – Lk 1:57-66, 80

Lk 1:57-66, 80

Nang sumapit ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anakan na nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya.                                                                             

            Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina:  “Hindi, tatawagin siyang Juan.”  Pero sinabi nila sa kanya:   “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.”  Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng isang masusulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat:  “Juan ang pangalan niya.”  Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila.  Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos.

            Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang mga kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan:   “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?”  Dahil sumasakanyang talaga ang kamay ng Panginoon.

            Habang lumalaki ang bata, pinatatag siya ng espiritu. Nanirahan siya sa disyerto hanggang sa araw ng kanyang pagkakahayag sa Israel.

PAGNINILAY

Mga kapatid, si Juan Bautista ang katuparan ng matagal ng pananalangin nina Zacarias at Elizabeth na magkaroon ng anak.  Tumanda na lamang sina Zacarias at Elizabeth hindi pa rin sila nagkaanak.  Kaya nang magpakita ang anghel kay Zacarias upang ibahagi ang magandang balita na magdadalang tao ang kanyang asawa, hindi siya agad naniwala. Kaya naman tinanggal ng anghel ang kanyang kakayahang magsalita, at nanumbalik lamang nang pangalanan niya ang kanyang anak na Juan, alinsunod sa bilin ng anghel. Mga kapatid, mahalaga din para sa ating lahat ang kwento ng kapanganakan ni Juan Bautista. Una dahil pinapakita nito na lahat tayo’y may tinakdang gampanin sa buhay na inilaan sa atin ng Diyos. Maliit man o malaki, lahat ito nakaayon sa malawakang plano ng Diyos para sa sangkatauhan, at makapagdudulot ng kabutihan sa lahat. Pangalawa, pinapakita ng kwentong ito ang katapatan ng Diyos sa kanyang pangako. Nawa’y ang kwentong ito ang magpatibay at magbigay ng lakas-loob sa atin, lalo na sa pagtupad ng kanyang naisin para sa ating buhay.  Manalangin tayo.  Panginoon, maging bukas nawa ako sa pagtanggap ng Iyong plano para sa akin.  Pagkalooban Mo po ako ng pusong handang tumugon sa Iyong banal na inspirasyon.  Amen.