EBANGHELYO: Mt 7:1-5
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Huwag humatol at hindi kayo hahatulan. Kung paano kayo humatol sa inyong kapwa, gayon din naman kayo hahatulan, at susukatin kayo sa sukatang ginamit n’yo. Ba’t mo tinitignan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano masasabi sa iyong kapatid: ‘Halika’t aalisin ko ang puwing sa iyong mata,’ Mapagkunwari! alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at saka mo makikita kung paano aalisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Isa sa pinag-aralan kong gawin nang nasa loob na ako ng kumbento ang pagbibigay ng sisterly correction. Mahirap ito para sa akin dahil hindi naman ako perfecto upang punahin ang pagkakamali ng aking kapwa. Pero, hindi rin pala maganda ang manahimik na lamang, kahit may napapansin kang mali. Kadalasan kasi, higit na lumalala ang sitwasyon kapag hindi agad naiwasto ang pagkakamali ng isang tao. Isa pa, maari namang magbigay ng puna na walang paghuhusga. Sa Mabuting Balita ngayon, hindi naman ipinagbabawal ang punahin ang mali ng ating kapwa, kailangan lamang na unahin munang itama ang sariling pagkakamali, bago punahin ang kamalian ng iba. Ito kasi ang kadalasang sanhi ng alitan, kapag yong magaling pumuna sa mali ng iba, ay puno rin ng pagkakamali at hindi marunong tumanggap ng correction. Malinaw ang sabi ni Jesus sa verse 5, “alisin mo muna ang puwing sa iyong mata at saka liliwanag ang paningin mo upang makuha ang puwing sa mata ng iyong kapatid”. Higit po tayong paniniwalaan, kung ating isasabuhay muna ang nais nating ipagawa sa ating kapwa. Constructive criticism is an act of charity and those who listened received salvation. Pero, yong mga nagbibingi-bingihan ay matutulad sa mga Israelita sa Unang Pagbasa na napahamak, dahil hindi nakinig sa babala ng mga propeta. Mga kapatid, hingin natin sa Diyos ang biyaya, na makita at maituwid agad lagi, ang ating mga kahinaan at pagkakamali, upang higit tayong maging karapat dapat magpuna, sa pagkakamali ng ating kapwa. Hingin din natin ang pusong malinis at hindi mapanghusga, dahil tanging Diyos lamang ang may karapatang humusga sa ating lahat.