Daughters of Saint Paul

HUNYO 24, 2019 LUNES SA IKA-12 LINGGO NG TAON Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni Juan Bautista

 

EBANGHELYO: Lk 1:57-66, 80

 

PAGNINILAY:

Ang kapanganakan ni Juan Bautista, isa sa tatlong kapanganakan na ipinagdiriwang sa liturhiya ng ating Simbahan. Ang dalawa pa’y ang kapanganakan ni Maria at siyempre, ang Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus. Masasabing ang kapanganakan laging isang masayang pagdiriwang!  Bawat sanggol na isinisilang sa mundo’y tanda ng patuloy na pagkakaloob ng Diyos ng buhay sa mundo.  Kaya dapat lang na ipagdiwang ang pagdadalantao ng ina at ang pagsilang ng bawat sanggol.  Ang bawat sanggol, ang bawat buhay ay banal, dahil nagmumula ito sa Banal na Diyos.  Sa katauhan ni Juan Bautista, ang kabanalan ng buhay, ibinalik sa mga nawalan nito bunga ng kasalanan, sa pamamagitan ng binyag ng pagsisisi.  Dapat lang ipagdiwang ang kapanganakan ni “Juan” – pangalang nangangahulugang “mapagpala ang Diyos.”  Mga kapatid, walang batang ipinanganak na “aksidente” lang.  Kahit sinasabi ng ilan na wala sila sa plano o bunga lamang nang pagiging mapusok lalo na ng mga kabataang hindi pa handa sa responsibilidad. Matanto sana nating lahat na bawat buhay, kaloob ng Diyos; kaya naman, bawat taong isinilang sa mundo’y may tungkuling sumamba at ipahayag ang Diyos.  Bilang mga Kristiyano, maging aktibo sana tayo sa mga kilusang nagtataguyod sa kahalagahan ng buhay mula sa sinapupunan ng ina hanggang sa natural na pagpanaw sa mundo.  Amen.