Daughters of Saint Paul

HUNYO 25, 2019 MARTES SA IKA-12 LINGGO NG TAON

 

EBANGHELYO: Mt 7:6, 12-14

 

PAGNINILAY:

Sa panahon ngayon na uso na ang mga pagkaing instant na hinahanda ng mabilisan, uso na ang  cellphones at internet na nagpapabilis sa usapan, uso na ang mga makinang nagpapadali sa trabaho tulad ng washing machine, rice cooker, dish washer at iba pa – unti-unti ng nawawala sa bokabularyo ng mga tao sa kasalukuyan ang magpagal at magsakripisyo.  Kaya naman, mas pinipili natin ang gawaing madali, ayaw na natin sa mga gawaing mabusisi, at naiinip na rin tayong mag-antay. Kaya nauso ang instant mentalityna sinamantala naman ng maraming negosyante. Kaya’t nagsisulputan ang mga fastfood chain, one-stop shop malls, at convenient stores para mapadali ang pamimili.  Dahil nasanay na tayo sa kalakarang instant at madalian, maging sa relationship, instant na rin. Instant girlfriend, instant boyfriend, instant preggy, instant baby, instant abortion.  Kahit sa mga mag-asawa, kapag madalas ng mag-away at maraming hindi mapagkasunduan – hiwalayan ang naiisip na solusyon.  Napakadaling maimpluwensiyahan ng ganitong mentalidad na umiiral sa kasalukuyan, kung wala ang Panginoon sa ating buhay.  Siya ang nagturo sa ating magsakripisyo alang-alang sa pagmamahal Niya sa atin. Kung di natin nakikita na ang lahat ng ating mga paghihirap at sakripisyo binabata natin bilang pakikiisa sa dinanas ng Panginoon; at bahagi ng pagpasok natin sa makipot na pintuang tinutukoy Niya – tunay na walang kabuluhan ang ating mga paghihirap.  Pero kung nakikita natin, na ito ang magdadala sa atin sa buhay na walang hanggan, balewala lahat ang mga paghihirap nating nararanasan.  Dahil may tinatanaw tayong gantimpala mula sa ating Ama sa Langit pagkatapos ng maikling buhay na pinahiram Niya sa atin sa mundo.  Mga kapatid, pawang manlalakbay lamang tayo dito sa mundo, at hindi talaga ito ang tunay nating tahanan.  Ang lahat ng ginagawa natin dito sa mundo ngayon, paghahanda sa magiging buhay natin sa kabila.  Gaano ba natin pinaghahandaan ang magiging buhay natin sa kabila?