EBANGHELYO: Mt 7:15-20
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Carmel Galula ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon. Ang Ebanghelyong narinig natin, may tono ng mga babala para sa atin. Alam ni Hesus na darating ang mga araw na maraming magpapatotoo sa kanyang pangalan at maraming maniniwala sa kanila. Kaya sinabi ni Hesus, “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na parang mga tupa pero mababagsik na mga lobo naman sa loob.” Tunay nga, na nangyayari na ang mga bagay na ito sa ating pang-araw-araw na buhay. Minsan naguguluhan na tayo kung ano ba talaga ang totoo? Madami tayong naririnig, madami tayong nakikita, pero minsan may mga pag-aalinlangan sa ating mga puso kung totoo ba ito? dapat ba natin itong pakinggan at tularan? Sa mabuting balita ngayon, binigyan tayo ni Hesus ng isang batayan, sinabi Niya, “Makikilala n’yo sila sa kanilang mga bunga….“ Mga kapanalig, sa araw na ito, hayaan po nating tanungin din tayo ni Hesus…”anong klaseng bunga mayron ka sa iyong pang-araw-araw na buhay? Ito ba’y nagpapakita na galing ka sa Panginoon? O ito ba’y nagpapakita na hiwalay ka sa Kanya? Alalahanin natin na mula tayo sa Diyos, tayo’y kanyang kawangis, kaya marapat lamang na tayo’y maging katulad din nya. Ang Diyos sa katauhan ni Hesus, tunay na makatotohanan at mapagkumbaba. Paano ba natin Siya tinutularan? Isang halimbawa sa kung paano ang pagiging mapagkumbaba at makatotohanan, ang paghingi ng “Sorry” sa taong ating nasaktan. Hindi ito madali, pero kaya natin sa tulong ng Panginoon. Nawa sa ating malimit na pagdarasal at pagbabasa ng Salita ng Diyos mahubog tayo ayon sa bunga na nais ng Diyos na makita sa atin. Amen.
