Daughters of Saint Paul

HUNYO 24, 2021 – HUWEBES SA IKA-12 LINGGO NG TAON | Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista

EBANGHELYO: Lk 1:57-66, 80 

Nang sumapit ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anakan, nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto nitong itawag dito. Humingi siya ng masusulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya talaga ang kamay ng Panginoon. Habang lumalaki ang bata, pinatatag siya ng espiritu. Nanirahan siya sa disyerto hanggang sa araw ng kanyang pagkakahayag sa Israel.

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Albert Garong ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa siyudad ng San Juan ang araw na ito ay kilala bilang araw ng basaan. Nakuha nila ito mula sa gawain ng kanilang patron bilang isang baptizer doon sa river Jordan noong panahon ni Hesus. Pero sana hindi lang ito ang makuha natin mula sa dakilang halimbawa ni San Juan, pinsan ni Hesus. Si San Juan ay nag-alay ng kanyang buong buhay para sa kagustuhan ng Diyos. Kahit siya mismo ay sikat at maraming tagasunod, agad siyang nagparaya at itinuro ang daan sa nag-iisang Mesiyas. Naging dakila si San Juan hindi dahil umani sya ng ari-arian o pagkilala ng mga tao, pero dahil tapat niyang tinugon ang tawag ng Diyos sa kanya. Kung ano ang utos na binigay sa kanya ng Diyos ay siya ring kanyang tinupad at di na naghangad ng higit pa. Sana sa paggunita natin kay San Juan ay mabuhusan din ng grasya ng Diyos ang ating mga puso at isip nang mahugasan ang mga ito sa pagiging makasarili natin. Sana dala ng tubig ay malinawan din tayo na iisa lang ang nagbibigay ng tunay na kadakilaan at kasiyahan sa ating buhay: ang pagtahak sa daang inilahad para sa atin ng Diyos.