Daughters of Saint Paul

HUNYO 25, 2020 – HUWEBES SA IKA-12 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 7:21-29

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa kaharian ng Langit. Sa araw na iyon, marami ang magsasabing: ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsalita sa ngalan mo? Hindi ba’t nagpalayas kami ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa ngalan mo?’ Ngunit sasabihin ko sa kanila nang walang paliguy-ligoy: ‘Hinding-hindi ko kayo kilala; lumayo sa akin kayong mga gumagawa ng masama.’ Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. Ang sinumang nakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan! Nang matapos si Jesus sa mga pananalitang ito, nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng kanilang mga guro ng Batas.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Cleric Sebastian Gadia III ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa ebanghelyo natin ngayon, itinuturo sa atin ni Hesus ang mas malalim na pagpapahayag ng ating pananampalataya sa Diyos, at ito’y nakikita sa gawa at hindi sa salita. Sinabi ni Hesus: “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon! ay papasok sa Kaharian ng Langit, kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa Kaharian ng Langit.” Walang sino man ang makakahusga sa atin kung gaano kalalim ang ating relasyon sa Diyos. Sa bandang huli, tayo mismo ang nakakaalam kung tunay nga ba at tapat ang ating relasyon sa Diyos. Mga kapatid, kung ang Espiritu ng Diyos ang kumikilos sa ating buhay, yan ang magsisilbing malinaw na batayan na meron tayong malalim na relasyon sa Diyos. Makikita ito sa mga konkretong pagsasabuhay natin ng pagiging mapagmahal, matulungin, at pagiging mahabagin sa kapwa lalong-lalo na sa mga taong nangangailangan.  Tunay ngang ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay hindi isang ideya o konsepto; dapat ito ay konkreto. Sa araw na ito, suriin natin ang ating mga sarili kung ginagamit ba talaga tayo ng Diyos upang gawin ang kanyang kalooban, o tayo ang gumagamit sa kanya para lamang sa ating sariling kapakanan.