Daughters of Saint Paul

HUNYO 26, 2020 – BIYERNES SA IKA-12 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 8:1-4

Pagkababa ni Jesus mula sa bundok, maraming tao ang sumusunod sa kanya. Lumapit sa kanya ang isang mayketong, at paluhod na nagsabi: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” At sinabi ni Jesus: “ Gusto ko, luminis ka!”  Nang oras ding iyo’y gumaling ang lalaki sa kanyang ketong. At sinabi ni Jesus sa kanya: “Mag-ingat ka, huwag mong sasabihin ito kaninuman kundi pumunta ka sa pari para suriin ka niya at ialay ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.

PAGNINILAY:

Ang covid-19 pandemic na nararanasan natin ngayon ay parang ketong din na maituturing, o mas malala pa, dahil sa bilis nitong makamatay. Kailangang ihiwalay ang taong may sakit nito, dahil sobrang mapanganib at nakakahawa. At ang nakakalungkot, kapag namatay sa covid ang pasyente, hindi man lang masilayan ng mga kamag-anak o mahal sa buhay ang labi ng pumanaw, dahil diretso itong iki-cremate. Maging ang mga doctors, nurses at health workers na kumakalinga sa mga may sakit na covid ay hindi makauwi sa kanilang pamilya para hindi makahawa. Kaya sila’y nag si-self quarantine at tumitira sa mga apartment, eskwelahan o parokyang nagmagandang-loob na patuluyin sila. Totoong nakakatakot at may stigma sa komunidad ang magkasakit ng covid. At lubos na nakakabahala ang mga asymptomatic carriers nito. Kaya nga, itinatago ang pangalan ng may sakit ng covid, at patient #s lang ang binabanggit.  Marami na ang namatay sa iba’t ibang panig ng mundo.  At talaga namang parang tumigil sa pag-ikot ang ating mundo, at naparalisa ang ating normal na buhay dahil sa prolonged quarantine at lockdown.  Kamusta na po ba kayo sa sandaling ito?  Natatakot at nangamngamba pa rin po ba kung saan tayo dadalhin ng pandemyang ito?  Sa Ebanghelyo natin ngayon, lumapit kay Jesus ang isang may ketong at paluhod na nagsabi:  “Ginoo, kung gusto mo, mapapalinis mo ako.”  Ito din din ang ating samo’t dalangin sa Panginoon sa mga sandaling ito. Panginoon, kung gugustuhin mo, mawawakasan na ang covid-19 pandemic. Kung gugustuhin mo, makakadiskubre na kaagad ng vaccine na susugpo nito; kung gugustuhin mo, makaka-recover ang lahat ng dinapuan ng sakit na ito.  Mga kapatid, totoong wala na tayong ibang matatakbuhan sa panahong ito ng pandemya, kundi dumulog sa awa at habag ng Diyos. Tanging ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa atin sa krisis na ito. Hindi galing sa Diyos ang pandemyang ito. Pero pinahintulutan Niyang magyari para turuan tayo ng leksiyon tungkol sa kung ano talaga ang mahalaga sa buhay. Kapatid, sa tagal mong naka-quarantine at lockdown napag-isip-isip mo ba kung ano talaga ang mahalaga sa’yong buhay?