Daughters of Saint Paul

HUNYO 28, 2020 – IKA-13 SA KARANIWANG PANAHON (A)

EBANGHELYO: Mt 10:37-42

Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin. Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang  anak kaysa akin. At hindi karapat-dapat sa akin ang sinumang hindi nagpapasan sa kanyang krus at sumusunod sa akin. Mawawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagpapahalaga nito, at matatagpuan naman ito ng nawawalan ng kanyang sarili. Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumatanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang gantimpala.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. “Seek ye first the kingdom of God, and all shall be added unto thee”. Bahagi ito ng lyrics ng alleluia na ginawa kong motto. Minsan mahirap, lalo na kung maraming dapat tapusin at mas matimbang sa priority, pero kadalasan kapag inuna ko muna ang para sa Diyos nahahanapan ko rin ng oras ang ibang bagay. Hindi lamang tumutukoy sa pagdarasal ang mga bagay para sa Diyos. Kasama rito ang pagtulong sa kapwa at pagsasakripisyo, para sa kabutihan ng iba. Sabi sa Mabuting Balita ngayon, kahit ang pagbibigay ng malamig na tubig sa nauuhaw ay tiyak na gagantimpalaan. Sa Unang Pagbasa, narinig natin ang kabutihang ginawa, ng isang marangal na babae, na laging nag-aalok ng pag-kain kay Propeta Eliseo. Sinabihan pa niya ang kanyang asawa, na gawan ang propeta ng isang silid pahingahan sa bahay nila. Bilang gantimpala, biniyayaan sila ng anak. Sabi rin sa verse 8 ng Ikalawang Pagbasa, “kung tayo ay namatay kasama ni Cristo, sumasampalataya tayong mabubuhay na kasama ni Cristo.” Ito marahil ang pinakamagandang gantimpala na maaring makamtan ng mga nabubuhay alinsunod sa mga turo ni Cristo: ang makita at makapiling sya kailanman sa muling pagkabuhay.