Daughters of Saint Paul

HUNYO 29, 2020 – LUNES SA IKA-13 NA LINGGO NG TAON | Dakilang Kapistahan nina San Pedro at San Pablo, mga apostol

EBANGHELYO: Mt 16:13-19

Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.”

 “Ngunit sino ako para sa inyo?” “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.”  “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”

PAGNINILAY:

Sino ako para sa inyo?  Madalas sa ating dasal, at sa oras na dumaranas tayo ng matinding pagsubok sa buhay katulad ng pinagdadaanan natin ngayong pandemya, ito ang itinatanong sa atin ni Jesus. Kung ikaw ay nawalan ng mahal sa buhay dahil sa covid-19 pandemic, nawalan ng trabaho dahil sa matagal na enhanced community quarantine at lockdown, nawalan ng mapagkakakitaan para matustusan ang pang araw-araw na pangangailangan ng iyong pamilya –itinatanong ni Jesus, sino ako para sa iyo?  Kung isa kang OFW na nawalan ng trabaho, nangangamba kung paano bubuhayin ang pamilya at  maitaguyod ang pag-aaral ng iyong anak sa kolehiyo; kung isa kang magulang na nangangamba sa kaligtasan ng iyong anak  pagbalik sa eskwela, kung puspos ng takot at pag-aalala ang iyong puso dahil sa walang kasiguruhang kinabukasan – itinatanong ni Jesus, sino ako para sa iyo.  Mga kapatid, sa dinadami-daming problemang kinakaharap natin araw-araw, sa panahon ng krisis at labis ng pag-kabalisa, nakikilala mo ba si Jesus bilang Iyong Tagapagtanggol, bilang Kapayapaan, bilang Pag-asa, bilang Buhay, bilang kaligtasan?  Nararamdaman mo ba ang Kanyang mahiwagang pagkilos sa oras ng kapighatian?  Tapat ang Panginoon sa Kanyang pangako na hinding-hindi Niya tayo iiwanan. Kasa-kasama natin Siya sa bawat sandali ng ating buhay.  Ipagkatiwala natin sa Kanya ang ating mga alalahanin at manalig tayong tutugunin Niya ang ating panalangin sa Kanyang takdang panahon. 

PANALANGIN:

Panginoon, batid Mo po ang mga pinagdadaanan kong pagsubok sa mga sandaling ito. Minsan nawawalan na po ako ng pag-asa at gusto ko ng sumuko. Palakasin Mo po ang aking pagtitiwala na kailanman hinding-hindi Mo ako iiwan at pababayaan. Marapatin Mo pong makita ko, ang Iyong mahiwagang pagkilos sa aking buhay.  Amen.